Laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – Arellano vs CSB
TATANGKAIN ng College of Saint Benilde na makumpleto ang perfect season kontra Arellano University sa NCAA women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Ang Lady Blazers ay nanalo sa lahat ng kanilang 10 matches at yumuko sa isang set lamang sa pagbabalik ng liga matapos ang dalawang taong pahinga.
Target ng CSB na maging unang koponan sa loob ng 10 taon na nagtala ng unbeaten campaign sa 2 p.m. match sa defending three-time champions.
Ang University of Perpetual Help System Dalta ang huling koponan na nagposte ng perfect record sa isang season, kung saan nagwagi ito sa lahat ng kanilang 14 matches noong 2012 na may powerhouse roster, sa pangunguna ni Royse Tubino.
“Work, work, work lang naman. Tuloy-tuloy lang naman, hangga’t hindi natatapos, wala pa rin naman. Three sets pa, one game pa. Pukpok pa rin tayo,” sabi ni coach Jerry Yee, na puntirya ang kanyang unang collegiate title sa kanyang ika-4 na taon sa Lady Blazers.
Ang CSB ay magtatangka sa kanilang ikalawang titulo overall – una silang nagkampeon noong 2016.
Tulad sa elimination round, ang Lady Blazers ay nananatiling dominante, nangailangan lamang ng 68 minuto upang dispatsahin ang Lady Chiefs, 25-21, 25-11, 25-10, sa Game 1 noong Miyerkoles.
Na-outhit ng CSB ang Arellano, 40-25, kung saan bumanat si Gayle Pascual ng 13-of-27 spikes, at may mas maraming blocks, 7-2, at service aces, 6-1.
Ang Game 3, kung kinakailangan, ay lalaruin sa Linggo sa San Juan arena.
“Kung ano po ang normal routine ng team, yun pa rin ang gagawin. Nothing special kasi hindi pa naman tapos yung season. Hindi pa rin tapos ang game. Marami pa ang puwedeng mangyari,” sabi ni Pascual, na kumamada ng match-best 17 points sa opener.