KORONA TARGET NG TIGRESSES

TIGRESSES

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

12 noon – FEU vs NU (Men Finals)

4 p.m. – Ateneo vs UST (Women Finals)

SISIKAPIN ng University of Santo Tomas na masikwat ang korona laban sa Ateneo sa Game 2 ng UAAP Season 81 women’s volleyball Finals ngayon sa harap ng inaasahang SRO crowd sa Mall of Asia Arena.

Sa pangunguna ni Sisi Rondina, dinispatsa ng Tigresses ang top-ranked Lady Eagles, 25-17, 25-16, 25-20, upang lumapit sa pagputol sa nine-year title drought sa series opener noong Sabado.

Bagama’t nasa kanila ang momentum, walang balak ang  UST na magkumpiyansa at pinaghandaan ang maaaring ipakita ng Ateneo sa deciding Game 3.

“Parang walang nangyari. Hangga’t hindi pa tapos ang liga, hindi kami tumitigil. Kung ano ang nasimulan namin na program, itutuloy lang namin. Pagandahin ang mga galaw namin at i-lessen ang mga error namin para matapos namin (sa Wednesday). Kung kaya namin tapusin, gagawin namin ngayon,” wika ni Tigresses coach Kungfu Reyes.

Ayaw ring magkampante ni super rookie Eya Laure at isinaisantabi ang labis na kasiyahan sa pagwawagi sa Game 1.

“Sabi ko kina ate Sisi nung nanalo kami and nag-huddle kami sa gitna, walang magiging kampante. May isang laro pa at hindi pa tapos ang laban. Sa Wednesday, kahit ano puwedeng mangyari, puwede siyang mawala,” ani Laure.

“Tamang mindset lang, and alam ko naman ‘yung program ni coach Kungfu talaga. Sobrang naniniwala ako sa kanya and ‘yung training na ibinibigay niya sa amin kasi iyon talaga ‘yung nagmo-mold sa amin as a player. Kung ano po kami ngayon,” dagdag pa niya.

Makaraang wakasan ang seven-year, 15-match losing streak laban sa Lady Eagles, umaasa ang Tigresses na matutupad ang kanilang battlecry ngayong season na  #KamiNaman na matagal nang inaasam ng koponan.

“Actually kanina (Game 1), tinititigan ko silang lahat habang naggo-Go USTe. Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala na nabalik namin silang lahat, ‘yung tiwala nila bumalik din, at ‘yung suporta nandoon,”ani Laure.

“Sobrang naa-amaze lang din talaga ako na every game, na hanggang ngayon, nandiyan sila, ups and downs. Kaya sobrang nakatataba ng puso,” dagdag pa niya.

Sa men’s division, target ng back-to-back title seeking National University na tapusin na ang serye kontra Far Eastern University sa alas-12 ng tanghali.

Comments are closed.