KORONADAL LECHON FEST NAGING HIGHLIGHT SA LABAN KONTRA ASF

LECHON FEST

MISTULANG nagpista ang mga lokal na opisyal at mga residente sa Koronadal sa halos 35 katakam-takam na lechon kamakailan para patunayan sa publiko na ang kanilang local meat pro­ducts ay ligtas kainin at libre sa kinatatakutang African swine fever (ASF).

Naghandog ang bawat isa sa 27 barangay ng siyudad at walong piniling local commercial “lechoneros” ang pinakamaga­ling na roast pigs para sa okasyon, na nagmarka bilang taunang Lechon Festival ng siyudad ng Koronadal na ginanap sa Rizal Park.

Pahayag ni Rucelyn Almerol, Lechon Festival committee chairperson, na ang kasayahan ay para lamang sa layunin na itaguyod ang lumalagong swine industry sa kanilang lugar sa gitna ng patuloy na banta ng posibleng pagkalat ng ASF.

Dagdag pa nito na sinamantala nila ang okasyon para ipakita sa lahat na ligtas ang kumain ng “Pinoy pork” na prodyus ng commercial at backyard swine farms sa kanilang lugar.

“We want to assure the public, especially consumers, that Koronadal is still ASF-free,” sabi ni Almerol sa isang panayam.

Nagtayo ang city government sa pamamagitan ng Ve­terinary Office ng qua­rantine checkpoints sa entry and exit points ng kanilang lugar para mapigilan ang pagpasok ng ASF.

Bilang bahagi ng kasayahan, gumawa ang local government ng isang kompetisyon para sa pinakamasarap at pinakamagandang paghahanda ng lechon. Nauna rito, nakatanggap ang 27 barangay ng subsidiya na P3,000 bawat isa mula sa city government para maa­yos ang kanilang partisipasyon.

Tatlo sa walong lechon dealers ang na­nguna sa kompetisyon at nakatanggap ng cash prizes na P6,000 para sa first place, P4,000 para sa second place at P3,000 para sa third place.

Ibinenta ang mga lechon sa mga residente ng mga dealer sa halagang P300 hanggang P350 bawat kilo, na ‘di hamak na mas mababa ang presyo kumpara sa ibang restaurant.

Ang mga bisita naman ay nabigyan ng treat ng 27 barangay sa isang boodle fight ng lechon, na inihain na may gulay at native delicacies bilang side dishes.

Ang Lechon Festival ay isa sa mga highlight ng siyudad sa kanilang ika-19 na charter anniversary celebration at month-long Negosyo Festival. PNA