CAMP CRAME-UPANG maging maganda ang relasyon sa publiko, nais repasuhin at iangat ni PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen.Camilo Pancratius Cascolan ang tamang pakikipag-ugnayan o pag-asiste ng frontliner cops sa mga motorista na dumaraan sa checkpoints gayundin sa information center o lobby sa national headquarters at iba pang tanggapan ng pulisya.
Ayon kay Cascolan, ito ay bilang tugon niya sa Facebook post ng isang dating military officer hinggil sa naging karanasan nito nang mapadaan sa mga PNP at military checkpoint kung saan napuna ng ‘di pinangalanang dating militar na mas magalang umano ang pag-assist ng sundalo sa sibilyan kumpara sa mga pulis.
Aniya, bukas siya sa nasabing puna at magsisilbing wakeup call para sa pulisya ang naging karanasan ng dating marine general kaya nararapat lang na tumugon sila para paturuan ang mga naka-assign sa checkpoints, information center at lobby ng bawat tanggapan ng pulisya na pairalin ang kortesiya o may paggalang na pakikipag-ugnayan.
Inatasan din ni Cascolan ang Directorate for Operations na maghanda ng video ng tamang ushering at pag-assist na gagayahin ng mga frontliner cop na naka-detail sa checkpoints.
Maging ang Police Community Affairs and Development Group (PCADG) ay kakausapin ni Cascolan para sa tamang pakikipag-ugnayan ng pulis sa sibilyan.
Dagdag pa ni Cascolan na mahalaga na maituro sa kaniyang kabaro ang pagtataglay ng paggalang o kortesiya sa pakikitungo sa sibilyan o mga dumaraan sa checkpoints at information centers at ito ay bahagi ng kaniyang nais na isulong na Leadership, Mentoring, and Discipline Workshop para sa buong police force sa mga lalawigan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.