KORUPSIYON

MASAlamin

BAKIT kahit sino na yata ang iupo sa pamahalaan ay nanatiling laganap, paminsan ay mas malala pa ang korupsiyon?

Nawawala ang integ­ridad ng isang administrasyon kapag talamak ang korupsiyon dito. Katulad na lamang sa nakaraang administras­yon kaya naman wala silang maipagmalaki para sana maiangat ang mga kandidato nito sa pagka-senador. Nawalan kasi ng integridad.

Sa ngayon ay laganap pa rin ang korupsiyon ngunit nanatiling popular si Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil nakikita naman ng lahat ang kanyang pagiging seryoso laban sa korupsiyon na mismong kaibigan at mga malaki ang naitulong sa kanya noong kampanyahan pagkapanguluhan ay pinagsisibak niya.

Sana ay kung ang lahat ng miyembro ng gabinete ay kapareho ni Duterte na may pag-asang malansag ang mga sindikato ng korupsiyon sa buong burukrasya. Kaso hindi.

Palagay ko ang dapat bawat Filipino ay nararapat na mare-educate sa ideolohiya ng patriotic democracy. Parang mabigat pakinggan ano? Pero simple lamang ito, kung pamilyar kayo sa mga tinaguriang Dutertenomics at Duterteism, malapit-lapit na kayo sa pinapakahulugan ko.

Tanging isang ideo­lohiya lamang ang makasasagip sa ating bansa na lumalayag ngayon sa karagatan ng sibilisasyon gamit ang isang dispaling-hadong sistema at gamit ang alaala na niyurakan ng ilang daang taon sa ilalim ng kolonyalismo at pagkakasakop.

Magpahanggang ngayon ay hindi pa rin tayo industrialized na bansa. Natutuwa na ang mga Filipino sa mga mall sa kanilang paligid at sachet na mga produktong kanilang nabibili sa tindahan.

Naimbento na ang lahat para lamang manatiling kalmado ang mga Filipino kaya walang rebolusyong maaaring magtagumpay sa bansa sa ngayon. Kumikita ang elite, kontento ang middle class at kaya pa namang bumili sa sari-sari store ng lower class at maging ng mga pinakamahihirap.

Ang patriotic democracy ay isang uri ng pagtingin sa bansa na communal na pagmamay-ari ng lahat, pagkakapantay-pantay ng karapatan ng lahat ngunit nakaumang sa pangkabuuang kapakinabangan ng lahat ng mamamayan.

Ang industriyali­sasyon ay matagal na sanang naimplementa, ngunit dahil sa pag-aaway-away ng mga Filipino at mga kalituhan na ipinalamon sa atin ng mga banyagang interes at ng oligarkiya, nahuli ang Filipinas sa mga kapitbahay nito sa Asya.

Malala na ang sakit ng sistema na umiiral sa bansa, at ang patriotic democracy ang gamot.