KORUPSIYON WALANG PUWANG SA DUTERTE ADMIN

Erick Balane Finance Insider

“CORRUPTION has no place in my administration.”

Ito ang binitiwang salita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal at kawani ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs na patuloy na nasasangkot sa mga katiwalian.

Mahigpit ang bilin ni Presidente Digong kina BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay at BOC Commissioner Isidro ‘Sid’ Lapeña sa pamamagitan ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III na bantayang mabuti ang kanilang mga opisyal at empleyado sa paggawa ng anumang katiwalian at agad na sibakin sa puwesto para tuluyan nang malinis ang kanilang mga ahensiya.

Sa pamumuno nina Commissioners Dulay at Lapeña, pansamantalang natigil ang talamak na ‘lagayan system’ sa BIR at BOC, ngunit nitong huli ay napansin  ng Malacañang ang muling pagiging aktibo ng mga tiwali kung kaya inulit ni Secretary Dominguez ang kanyang babala na sisibakin at kakasuhan ang sinumang masasangkot sa anumang uri ng anomalya.

Sa BOC, hindi magkandaugaga si Commissioner Sid kung paano nito masusugpo ang muling umiinit na pag-usbong ng smuggling activities sa Aduana na diumano’y pinatatakbo ng mga sindikato, mafia at iba pang grupong protector ng mga smuggler.

Sa BIR, umabot na sa mahigit 400 officials and employees ang inisyuhan ng  ‘show cause orders’ dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang katiwalian – karamihan ay sa ­pangingikil o paghingi ng suhol sa taxpayers at entrapment bunsod ng pangongotong.

Kamakailan lang, tatlong intelligence agents mismo ng BIR na nakatalaga sa BIR Makati City Regional Investigation Division ang dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa isang entrapment operation na isinagawa sa Gloria Marris, Greenhills, San Juan City matapos ireklamo ng pangingikil ng taxpayers.

Sa katulad na pangyayari, dalawa pang BIR tax examiners ang dinismis sa serbisyo ng Office of the Ombudsman matapos mahuli sa entrapment operation na isinagawa ng NBI agents. Pormal namang sinampahan ng kasong gross misconduct sa ­korte ang isang examiner sa Bacolod City dahil din sa katiwalian.

Wala pang utos na ipinalalabas ang opisina ni Commissioner Billy kung pansamantalang sususpendihin ang pag-iisyu ng ‘mission orders’ ng mga regional director na siyang nakasasakop sa mga RID kaugnay ng pagsasagawa ng mga surveillance, imbestigasyon at monitoring laban sa taxpayers na siyang ugat ng entrapment.

“We still have to know the complete facts of the BIR Makati entrapment case, but we do not condone any acts of wrongdoings from our personnel. We will let the NBI perform their task of investigating the incident and we will initiate our own fact finding and impose appropriate administrative penalties.  The message of the President Rodrigo is clear: corruption has no place in his administration,” pahayag ng BIR.

Tahimik ding kumikilos ang BIR top management sa report na diumano’y dinudukutan ng tax cases ng BIR Large Taxpayers Service (LTS) ng tig-10 malalaking kaso ang Revenue District Officers (RDOs) sa utos ng incharge sa operations.

Pinalagan ng mga RDO ang pagdukot sa kanilang tax cases ng LTS sa katuwirang maaapektuhan o babagsak ang kanilang tax collections na magi­ging dahilan ng pagkabigo nilang makuha ang ini­atang na tax collection goal.

Umalma rin ang mga ‘big time taxpayer’ sa ginawang pag-arbor ng NID sa malalaking tax cases na kinuha sa hurisdiksiyon ng LTS kahit walang ‘fraud.’

Ang malaking apektado sa agawan ng tax cases o ang tinatawag na ‘hijacking of tax cases’ ay ang tax collections ng BIR regional office at ang tanggapan ng mga RDO, hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa karatig-probinsiya.

Ang LTS ang humahawak ng top 500 corporations na kanilang iniimbestigahan, samantalang ang NID naman ang humahawak ng tax cases na mapatutunayang may ‘fraud’ at agad na isinasampa ang kaso sa korte.

Nabahala sa ganitong sitwasyon sa BIR ang mga corporate, business at individual taxpayer dahil sa resulta umano ng doube issuance ng Letter of Authority. Naguguluhan sila kung sino ang dapat masunod: ang letter of authority na inisyu ng LTS o letter of authority na inisyu naman ng NID.

Sa pangyayaring ito ay nakuha ang atensiyon ng Malacañang at agad inatasan si Secretary Sonny na siyasatin ang isyu upang hindi na ito lumala pa.



Para sa mga komento at opinion, mag-text lamang po sa  09293652344 o mag-email sa [email protected]. / PILIPINO Mirror

 

Comments are closed.