MAYNILA – WALA nang nagawa at sumama na lang sa mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang miyembro ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) na nangotong at nag-viral sa pamamagitan ng kuha ng CCTV sa Sta. Cruz.
Ayon kay MTPB Chief Dennis Viaje, si Ricardo S. Galit ay pinuntahan ng traffic police sa kanilang bahay sa Baseco at mahinahon naman itong sumama sa mga awtoridad.
Nabatid kay Viaje na dati nang tauhan ng dating MTPB chief si Galit na isang job order (J.O.) kung saan nagsilbi itong striker at taga-kolekta ng “tara” saka ibinibigay sa kanilang sector commander na si Charlie Espiritu na siya namang nagre-remit umano sa opisina ng dating MTPB chief na umaabot ng P15,000 kada buwan ngunit siya umano ay tinanggal ng nagdaang administrasyon.
Muli naman itong nag-apply at natanggap sa ilalim ng kasalukuyang liderato kung saan isa ito sa 817 miyembro ng MTPB na ipinakakalat sa kalye upang magmando at magpatupad ng batas trapiko.
Sa kanyang panig, nagsisisi aniya siya sa kanyang nagawa at sinabing tao lamang siya na natutukso dahil may mga motorista rin aniyang naglalgay sa mga MTPB.
Agad na itinurn-over si Galit sa MDTEU at MTPB sa Special Mayor Reaction Team (SMaRT) sa ilalim ng pamumuno ni P/Major Rozalino Ibay Jr. Iprinisinta rin si Galit kay Manila Mayor Isko Moreno na galit na galit sa mga kotongerong kawani ng gobyerno.
Kasabay naman ng paghubad ni Moreno sa suot na uniporme at ID ni Galit, nagbabala ito sa iba pang MTPB na magbago na at iwasan ang pangongotong. PAUL ROLDAN
Comments are closed.