KOTSE BUMANGGA: 3 TAUHAN NG AIR FORCE TODAS,1 SUGATAN

AGAD na namatay sa loob ng sasakyan ang tatlong miyembro ng Philippine Air Force ( PAF) habang isa naman ang malubhang nasugatan nang masunog ang sinasakyang kotse matapos bumangga sa concrete plastic barrier sa kahabaan ng EDSA South Bound kanto ng North road Brgy Bagong Lipunan ng Crame sa Quezon City.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-2 kahapon ng madaling araw nang maganap ang nasabing aksidente kung saan patay agad ang mga biktima na kinilalang sina Airman 1st Class Sabado Angelo, Aaron Tabarle,at Kyle Justine Velasco habang masuwerteng nakaligtas ngunit sugatan ang driver ng kotseng Honda City na may plakang NDR 7213 na si Airman 2nd Class Manuel Ognes y Perez,27-anyos, pawang naninirahan sa Villamor Airbase,Pasay City.

Nabatid na pabalik na sa kampo ang mga biktima matapos umanong dumalo kanilang batch anniversary ngunit habang binabagtas ang kahabaan ng EDSA ay naganap ang malagim na aksidente.

Ayon sa saksing si Mark Anthony Hablado, tinulungan niyang makalabas ng sasakyan ang driver na si Ognes ngunit habang ginagawa ito ay nagsimula ng mag- apoy ang sasakyan hanggang sa sumabog kaya naman naiwan ang tatlong pasahero sa loob.

Agad na rumesponde sa lugar ang mga pulis QCPD at Marilag Fire Fighters.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng PAF sa naturang insidente. MARIA THERESA BRIONES