KOTSE SUMALPOK SA POSTE, MISTER NADALE

Kotse

NUEVA VIZCAYA – PINAGLALAMAYAN ngayon ang isang mister nang bumangga sa poste ng koryente ang kaniyang minamanehong kotse habang sugatan naman ang kanyang misis sa Maharlika Highway, Purok 2, Barangay Bonfal Proper, Bayombong.

Nakilala ang nasawi na si Lucio Tayaban, 62 anyos, habang, sugatan ang kanyang maybahay na si Dolores Tayaban, 58 anyos, kapwa residente ng Poblacion, La Trinidad, Benguet.

Ayon kay PMSgt. Milter Villanueva, imbestigador ng Bayombong Police Station, binabagtas ng nasabing sasakyan ang national highway patungong Timog na direksiyon at nang umabot sa nabanggit na lugar ay nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan ang driver sanhi para bumangga sa poste.

Matagal aniyang naipit ang tsuper sa minamanehong sasakyan at nagtamo ng malubhang sugat sanhi para ideklarang dead on arrival sa ospital ng kanyang attending physician. PM Reportorial Team

Comments are closed.