DALAWA katao ang nadale habang dalawa naman ang sugatan makaraang bumangga ang kotse sa nakahintong pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway sa Purok 6, Brgy. Bialong sa bayan ng Mlang, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ang dalawang namatay na sina Chairman Kisay Mamasalagat ng Brgy. Buliok, Pagalungan, Maguindanao; at Allan Anta, staff ng Municipal Local Government Operations Office at nakatira sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao.
Sugatan naman sina Sengko Macadcaid, barangay secretary ng Buliok, Pagalungan; at Johaiden Manonsol, kawani ng LGU-Pagalungan.
Wala namang nasaktan sa mga pasahero ng kulay pulang Rural Tour Bus na may body number 2402 na minamaneho ni Dante Salon Pizana, 49-anyos, residente ng Cagayan de Oro.
Sa ulat ni P/Corporal Nikko Arvin Mortera ng Mlang Traffic Section, naganap ang sakuna bandang alas-8:10 ng umaga nang sumalpok ang pulang Toyota Vios (ZLJ 809) sa kasalubong na pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway.
Ayon sa ulat, nag-overtake umano ang kotse sa sinusundang sasakyan kung saan hindi na naikabig pa ng drayber pabalik sa kanyang lane kaya sumalpok ito sa nakahintong bus na kumukuha ng pasahero.
Dalawang sakay ng kotse ang nadale at dalawa ang sugatan habang wala namang nasaktan sa sakay ng bus. MHAR BASCO
Comments are closed.