KOUAME ATAT NANG MAGLARO PARA SA GILAS

Ange Kouame

HINDI na makapaghintay si Ateneo de Manila University center Ange Kouame na makapaglaro para sa Gilas Pilipinas.

Ginawa ni Kouame ang pahayag makaraang tambakan ng Gilas ang Thailand, 93-61, noong Biyernes ng gabi.

Sa naturang laro ay nagbuhos si Dwight Ramos — ang future teammate ni Kouame sa Blue Eagles — ng  20 points, habang nagningning si Justine Baltazar sa kanyang kauna-unahang laro para sa national team, at tulad ng dati ay naging steady si Matt Nieto sa pagbigay ng anim na assists.

Ang Ateneo center ay kandidato para sa naturalization, subalit ang kanyang mga papeles ay hindi naproseso para sa November window.

“I can’t wait (to play for Gilas),” wika ni Kouame.

“That’s the best, because who would have expected me, becoming a naturalized player,” dagdag ni Kouame, na naninirahan sa Ivory Coast.

“I’m so thankful… I’m not Filipino from the blood, but I commit myself 100% to it,” aniya.

“It’s something that’s really coming from my chest. I really wanna do it, I really wanna be part of it.”

Bagama’t hindi siya nakapaglaro para sa November 2020 window, si Kouame ay nakibahagi pa rin sa training camp ng koponan sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago ang kumpetisyon.

Umaasa si Kouame na sa susunod na window sa February 2021 ay makapaglalaro na siya para sa bansa.

Ayon sa mga opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), ang naturalization ni Kouame ay pinoproseso na at makapaglalaro na siya sa Pebrero.

Nilinaw ng SBP na si Kouame ay bahagi ng long-term plan ng national team.

“What is certain is Kouame will be part of the journey for the long haul, 2023. ‘Yun ang nagbibigay sa atin talaga ng a lot of excitement,” pahayag ni Ryan Gregorio, ang special assistant to SBP president Al Panlilio.

Comments are closed.