KRISIS SA BIGAS PAANO MALULUTAS?

edwin eusebio

Nakagugulat!… sadyang kagila-gilalas…

Ang nangyayari sa Filipinas na kakapusan sa bigas.

Ang bansa sa Asya na noon ay naging tanyag…

Bantog sa produksiyon hindi lang sa Mais… maging sa Bigas.

 

Gayunman sa pag-usad ng panahon at mara­ming mga taon,

Matulin  ang mga Pagbabago, Modernisasyon at Populasyon.

Naging mabilis ang mga ‘land conversion’…

Mga dating sakahan at palayan…may mga bahay na ngayon!

 

Habang dumadami ang mga Mamamayan sa bansa,

Mga kabukiran ay mabilis ding nawawala…

Ang pangunahing butil na pagkain ng madla…

Ang kakapusan ngayon sa bigas,tunay na nakababahala.

 

Isa pang masaklap ngayon na katotohanan…

Ang Pag-angkat natin, tila kay hirap paniwalaan.

Ang mga Bansang tulad ng Vietnam at Thailand…

Sila na ngayon ang sa Bigas ating pinagkukunan.

 

Kung atin muling pag-aaralan at gugunitain…

Sa Filipinas lamang noon nag-aral mga kalapit-bansa natin…

Sineryoso nila ang pagtatanim, maging paglalaan ng malawak na mga lupain

Kaya hindi na nakapagtatakang nakahihigit na sila ngayon sa Atin.

 

May Solusyon pa bang nakikita ang Pamahalaan…

Sa kakapusan ng Bigas sila ba ay may kasagutan.

Aasa na lang ba tayo at Manlilimos na lamang

Sa mga Bansa na dati lamang nating Tinu­ruan?

 

Marapat na katotohanan ay ating tanggapin

Umiinog ang mundo pagbabago ay dumara­ting..

Agapan sana ng Pamahalaan natin…

Maisalba ang Sektor ng Pagsasaka sa pagkabulid sa Bangin.



(Si Edwin Eusebio ay araw-araw na naririnig sa DWIZ 882 am Radio)

 

Comments are closed.