KRISIS SA PHILTA TAPOS NA

SA WAKAS ay natapos na rin ang krisis sa Philippine Tennis Association (Philta).

Itinakda ng International Tennis Federation (ITF) sa pamamagitan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang eleksiyon ng mga miyembro ng board of trustees ng asosasyon sa Disyembre 11 sa Century Park Hotel sa Manila.

Nakahinga na nang maluwag si POC president Abraham “Bambol” Tolentino sa pagkakaresolba sa krisis sa Philta na nagsimula noong Disyembre  3, 2020 nang suspindehin ng ITF ang national sports association. (NSA).

Ang ITF suspension ay nag-ugat sa ipinalalagay ng world governing body na ang board of trustees (BOT) ng Philta ay may “exclusive membership” at hindi isang regional representation.

Bunga nito, hiniling ng ITF sa POC na lumikha ng isang ad hoc body na mangangasiwa sa operasyon ng  Philta habang nirerebisa ang charter ng NSA.

Inilagay ng ITF ang imprimatur nito kamakailan sa amended by-laws ng NSA sa pamamagitan ng senior legal counsel nito na si Hannah McLean at ni Thomas Needham sa pagdaraos ng eleksiyon ng mga bagong miyembro ng board of trustees bago matapos ang taon.

“It’s a crisis that dragged on for years and we are glad that the ITF has commented on the amended by-laws and gave the Philta a path back to recognition,” sabi ni Tolentino.

Pinangunahan nina POC deputy head of legal Atty. Billy Sumagui at NSA caretaker Ramon “Tats” Suzara ang amyenda ng by-laws na nag-aatas ngayon sa Philta BOT na magkaroon ng 13 miyembro mula sa geographic sectors na binubuo ng iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ang amended by-laws ay ibinase sa original 1955 at revised 2020 Philta by-laws, ITF constitution, Hongkong Tennis Association by-laws, The Rule of Tennis at Philippine Corporate Law.

CLYDE MARIANO