KRISIS SA SUPPLY NG TUBIG, PAANO MALA-LABANAN?

Joes_take

KONTROBERSIYAL at tinututukan ng gobyerno sa kasalukuyan ang usapin ukol sa Concession Agreements (CA) noong 1997 ng Maynilad Water Services, Inc. at ng Manila Water Co. Ngunit bukod sa isyung ito, may isyu na mas nanga­ngailangan ng pansin ng ating gobyerno. Ito ay ang krisis sa supply ng tubig na maaaring makaapekto sa milyon-milyong konsyumer mula sa Metro Manila, ilang mga lugar sa Rizal, Laguna, Bulacan, at Cavite.

Sa kasalukuyan, 97% ng kabuuang supply sa tubig ng mga residente sa Mega Manila ay ­nanggagaling sa Angat Dam. Ang Angat Dam, ayon sa datos, ay nasa 60 taon na ang tagal. Ngayong nasa kritikal na lebel ito, ibig sabihin ay kailangan ng karagdagang mapagkukuhanan ng supply ng tubig upang maging sapat ito sa dami ng konsyumer na umaasa rito na ngayon nga ay umaabot na sa bilang na 16.5 milyon.

Panahon pa ng pamumuno ng mga Marcos nang magkaroon ng plano na humanap o gumawa ng alternatibong mapagkukunan ng supply ng tubig ngunit nakailang palit na ng adminis­trasyon mula noong mabuo ang nasabing plano ay nananatili pa rin itong plano.

Ayon sa mga eksperto, mas maagang nara­ramdaman ang kakulangan ng supply sa tubig dahil sa tinatawag na climate change at dahil na rin sa patuloy na paglaki ng ating populasyon. Mas lumalaki ang demand ngunit ang pinagkukunan ng supply ay hindi nada­ragdagan.

Ang mas hindi kaaya-ayang balita ukol dito ay bukod sa ilang mga hakbang ukol sa pagkontrol ng demand at pagtitipid sa paggamit ng tubig, wala nang ibang magagawa ang Maynilad at Manila Water sa nasabing problema. Hindi mala­yong maulit ang nangya­ring malubhang kasalatan sa supply ng tubig na naranasan bago mag-1997. Responsibilidad ng ating gobyerno ang gumawa ng alternatibong mapagkukuhanan ng supply ng tubig upang masiguro na sapat ito hindi lang sa kasalukuyan kundi pati na rin sa pangmatagalang panahon.

Tinatayang nasa 4,000 million liters per day  (MLD) ang kapasidad ng Angat Dam. Ngunit ang dami ng maaaring maisu-supply ng Maynilad at Manila Water sa mga konsyumer ay depende lamang sa dami ng supply na manggaga­ling sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Ang MWSS naman ay umaasa lamang din sa dami ng tubig na pinakakawalan ng National Water Resources Board (NWRB).

Ang Maynilad at Manila Water ay parehong kumukuha rin ng karagdagang supply ng tubig mula sa Laguna de Bay. At para sa mga pagkakataong lubhang malubha ang pangangailangan, pinapayagan din sila na kumuha ng supply mula sa mga deep well. Ngunit ang mga karagdagang pinagkukuhanan ng supply na mga ito ay hindi sapat upang mapunan ang anumang kakulangan sa supply na dapat ay nanggagaling sa Angat Dam.

Noong 2019, bago pa man ang kasagsagan ng isyu ng kakulangan sa supply ng tubig, nabanggit ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty na nagkaroon din ng pagkukulang sa partido ng gobyerno kaya nagkaroon ng kakulangan sa supply sa tubig noong nakaraang panahon ng tag-init. Hindi kasi nito isinakatuparan ang napakatagal nang plano na humanap at gumawa ng alternatibong mapagkukuhanan ng supply ng tubig upang hindi lamang sa Angat Dam umaasa para sa sapat na supply – isang planong nananatiling naka-tengga mula pa noong 1970s.

Noong Oktubre 2015 pa lamang ay nagkakaroon na ng mga pagka­antala sa supply ng tubig bunsod nga ng kritikal na lebel sa Angat Dam ngunit walang gumawa ng aksiyon patungkol dito.

Buti na lamang ay nagdesisyon na si Pangulong Duterte, sa tulong ng Office Development Assistance (ODA) mula sa China, na ipagawa na ang Kaliwa Dam upang ito ang magsilbing alternatibong supply ng tubig ng Metro Manila. Ito ang isang desisyon na hindi nagawa ng mga nauna sa kanya.

Sa kabila ng desisyong ito ni Pangulong Duterte na maglaan ng budget na P12.2 milyon para sa pagpapagawa ng Kaliwa Dam, nakalulungkot isipin na aabutin pa ng apat hanggang limang taon bago ito tuluyang matapos. Sa madaling salita, maaaring umabot sa kalahati ng isang dekada ang problemang ito ukol sa kakulangan ng supply ng tubig bago muling makaramdam ng kaginhawaan ang bansa.

Nakapangangamba ang balitang binitawan ng MWSS noong Enero 8 na nagsasabing hindi na kakayanin ng Angat Dam at ng iba pang maliliit na mapagkukuhanan ng supply ng tubig na matustusan ang demand ng Mega Manila mula ngayong 2020 hanggang sa taong  2025. Ito ang naging dahilan kung bakit kinaila­ngan na talagang gawin ang New Centennial Water Resource – Kaliwa Dam Project.

Ayon sa Policy, Planning, and Public Relations Department ng MWSS, pinamamadali ni Pangulong Duterte ang pagpapagawa ng nasabing proyekto upang maiwasan ang pagdanas ng panibagong krisis sa kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila.

Sinabi ng MWSS, “the water demand analysis used for the planning of Kaliwa Dam showed that the water supply capacity from Angat reservoir and some other smaller sour­ces will not be sufficient to satisfy the water demand of Metro Manila between 2020 and 2025. Taking into account a supply buffer of 15 percent, the Angat supply capacity will be insufficient before 2020. These numbers illustrate the need for a large water supply source. The events since March 2019 have only confirmed said projections.”

“The national go­vernment’s effort to see this project implemented is clear, with only one moving vision—to increase the available drinking water to Metro Manila in the short term because of the projected supply deficit,” dagdag pa nito.

Mismong si Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, isa sa mga magagaling na ekonomista ni Pangulong Duterte, ay nagbigay na ng paha­yag ukol sa nakaambang kakulangan sa tubig na mararamdaman ngayong taon pagpasok ng panahon ng tag-init. Makaaapekto raw ito sa paglago ng ating ekonomiya.

Nilinaw naman ni National Economic Development Authority (Deputy) Undersecretary Adoracion Navarro na ang ina­asahang mararanasang kakula­ngan sa supply ng tubig ngayong 2020 ay walang kinalaman sa kontrobersiya ukol sa mga CA ng Maynilad at ng Manila Water. Nilinaw niya na ito ay bunsod ng kritikal na lebel ng tubig sa Angat Dam at hindi dahil sa mga kumpanyang nag-susupply nito sa mga konsyumer.

Sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-ulan noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Association (PAGASA), ang naitalang pinakamataas na lebel ng Angat Dam na nasa 201.71 metro noong nakaraang linggo ay lubhang mas mababa pa sa target na 212 metro sa pagtatapos ng 2019. Bunsod nito, sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David, Jr. na magpapatuloy ang NWRB sa pagkontrol ng dami ng maaaring i-supply sa mga konsyumer at hindi maaasahan na makakakuha ng normal na alokasyon.

Inumpisahan na ito ngayong buwan ng Enero 2020. Naglaan ang NWRB ng 40 cubic meter per second (cms) o 3,450 million liters per day (MLD) ng tubig sa MWSS at ito ang paghahatian ng Maynilad at ng Manila Water ngayong buwan. Ito ay mas mababa sa normal na alokasyon na 46-48 cms na karaniwang ginagamit sa mga tahanan.

Dagdag pa ni David na magpapatuloy ang nararanasang pagkaantala ng supply ng tubig sa mga kabahayan na nanggagaling sa Angat Dam upang masigurong mayroong sapat na dami ng tubig hanggang sa pagsapit ng habagat o panahon ng tag-ulan.

Sa gitna ng nagbabad­yang krisis sa supply ng tubig, makaaasa tayong mga kons­yumer na ginagawa ng Maynilad ang kanilang makakaya upang mapagaan ang epekto ng nasabing krisis sa supply sa kanilang mga customer.

Noong 2019 ay natapos na ng Maynilad ang kanilang pinagawang Pututan 2 Water Treatment Plant  (WTP) at ang pagsasaayos ng pasilidad sa Pututan 1 WTP sa siyudad ng Muntinlupa. Kung pagsasamahin, ang mga pasilidad na ito ay may kabuuang 60 MLD ng tubig. Napipinto na rin ang pagtatapos ng non-revenue water (NWR) o leakage reduction program ng Maynilad sa Pebrero 2019. Ito ay tinatayang makakapagdagdag ng 94 MLD sa supply.

Bukod pa sa nabanggit, noong nakaraang Disyembre 2019 ay natapos na rin ng Maynilad ang muling pagpapagana ng mga deepwell na makaka­dagdag din ng 94 MLD. Sa pakikipagtulungan din sa MWSS, mas mabilis na makukuha ng Maynilad ang mga dokumento ng pahintulot na kailangan nito para sa pagtatapos ng Cavite MTP Dam sa buwan ng Abril ngayong 2020. Ito ay magbibigay ng karagdagang 27 MLD.

Ang lahat ng hakbang na ito na ginawa ng Maynilad ay makapagbibigay ng karagdagang 223 MLD na supply ng tubig sa mga customer nito bago pa sumapit ang panahon ng tag-init.

Bahagi rin sa mga plano ng Maynilad ang paglalabas ng 50 na mobile water tankers at paglalagay ng 14 SWT  na tangke, kasabay ng ilan pang hakbang gaya ng cloud seeding at rainwater harvesting para sa mga customer nito.

Dahil sa mga hakbang na ito na ginawa ng Maynilad ay nakabawi ito ng 979 MLD kada araw na maaaring makapag-supply ng tubig na maiinom para sa 1.7 na konsyumer sa lungsod. Ito na ang magandang bunga ng naging desisyon ng Maynilad ng mamuhunan ng P25-B para sa pamamahala ng NRW sa nakaraang 12 taon.

Makaaasa ang mga customer ng Maynilad na sila ay protektado mula sa nakaambang krisis sa supply ng tubig sa Metro Manila.

Comments are closed.