KRISIS SA TRANSPORTASYON ASAHAN (Sa PUV modernization)

INAASAHAN  ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na magtatanggal ng kabuhayan ng maramng jeepney drivers at operators ang modernisasyon at magkakaroon ng krisis sa transportasyon sa nakatakdang pagpapatupad nito simula ngayong Mayo 1.

Ito ay ipinahayag ni Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng PISTON sa naganap na media forum sa Kamuning Bakery matapos ideklara ang pagkakaroon ng tigil pasada ng kanilang grupo sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, at iba ibang rehiyon ng bansa mula April 29 hanggang Mayo 1.

“Tiyak naman po magkakakrisis yan e.Nakita nyo naman po yung mga mini bus kakaunti lang.Halos lahat yung tumatakbo karamihan PUJ. Mga tradisyonal.Ngayon kung ide -deadline lang nila walang pababyahehin, kahit pa po yung mga consolidated, hindi sila makakatyak na maga -grant yung prangkisa nila.Provisional authority hawak naming, PA ang ibig sabihin, ang PA para maging prangkisa yan ay kailangan mo dumaan sa account ng LTRRB, wala kang utang.Kailangan ay may compliance ka sa hininingi, mula sa capable, may garahe,tapos good study ka….Pag bad record hindi magga -grant,”ayon kay Baylon.

Nagsimula nang magpatupad ang Piston ng tatlong ng tigil pasada nitong Lunes,April 29 na magtatapos sa Labor Day sa May 1 upang tutulan ang naturang programa.

Sa Quezon City, ay nagtalaga ng dalawang karagdagang bus sa regular na libreng sakay ang pamahalaang lokal ng lungsod at sampung e-trike para sa mga mai-stranded na pasahero. Kabilang sa may tigil pasada ng mga kasapi ng PISTON ay sa mga major roads sa Metro Manila tulad ng Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Monumento, Novaliches, Vitex, Anonas, Project 2 at 3, Katipunan at COA.

Inanunsyo ni Baylon na umaga pa lamang ay nakatakda silang magtipon tipon at sa hapon at magtutungo sa mas malaking assembly hanggang Mayo 1.

Giit ni Baylon kahit matapos ang deadline sa franchise consolidation para sa PUV modernization ay hindi titigil sa pamamasada ang mga tsuper at operators na hindi nakapag-consolidate.

“Sa A uno ay sabi nila paghuhulihin na raw yung mga jeep.Karapatan ng mamamayang Pilipino na maglingkod sa sambayanan. Kung kaya’t kahit na matapos ang deadline hinding hindi titigil sa pamnamasada ang mga driver at operator,”sabi ni Baylon.

Ayon dito, maraming mga colorum na walang linya na magsisibyahe.”Bakit bumibyahe?Sapagkat ang mga colorum ay bahagi ng pagseserbisyo sa malawak na mamamayan.Ang mga walang prangkisa na bumibyahe ay bahagi ng obligasyon na punuan yung krisis sa transportasyon.Kami pa kaya na may linya, yellow plate, may prangkisa, nakarehistro ay hindi bobyahe?Yun po ang aming paninindigan lumampas man ang deadline ng consolidation.Deka dekada na kaming naghahanapbuhay.Deka dekada na na hawak namin ang aming mga prangkisa walang gumigambala sa amin,”dagdag ni Baylon.

Umabot na aniya sa sukdulan matapos mag-modernize ng mga operator mula sa tatluhan, maliit man ang makina ay pinalaki.”Umabot na sa sukdulan compliance daw sa clean and air gases.Samantala sino ba ang lumikha ng krisis sa mga globalized na clean and air act,green gas houses?Di ba yung mauunlad na bansa na nagdala dito ng mga makina na mauusok…Ang public service ay huwag gawing negosyo…. Hindi tatakbo ang ekonomiya kung walang sektor ng transportasyon,”giit ni Baylon.

Giit nito ay malalaman pagkatapos ng deadline kung totoo ang sinasabi ng pamahalaan na 20 porsiyento na lamang ang hindi nagpapa-consolidate.

Samantala sa nakapanayam ng Pilipino Mirror na jeepney driver, tuloy daw ang pamamasada ng kanilang mga traditional jeepney pagkatapos ng deadline sa consolidation ng prangkisa sapagkat nakapag-consolidate na ang kanilang mga yunit sa mga kooperatiba.May mga sticker na ipapakita sa mga awtoridad at papeles sa oras na sila ay sitahin sa oras ng pamamasada nila pagdating ng Mayo 1.

Inanunsyo naman ni Jerome Adonis,Secretary General ng labor group na Kilusang Mayo Uno(KMU) na sasabayan nila ang naturang tigil pasada bilang suporta sa panawagan ng mga apektadong tsuper at operators ng PUV modernization, bilang bahagi ng mga manggagawa ng lipunan. Ma. Luisa Macabuhay- Garcia