Bagama’t pinapalagay ng Department of Energy (DOE) na may sapat tayong suplay ng koryente, marami pa din sa sector ng mga negosyante ay nababahala na maaring magkaroon ng kakulangan ng koryente sa mga susunod na taon.
Sa totoo lang, maraming mga pangitain ang magpapatunay nito. Hindi siguro masyado nararamdaman ito ng mga ordinaryong mamamayan. Subali’t sa mga negosyante natin, lalo na sa mga malalaking negosyo, ginagamit nila ang mga batayan ng pagbaba ng reserba ng koryente bilang senyales sa maaring mangyayari sa mga susunod na taon.
Noong nakaraang buwan na lang, ang Luzon grid ay nakaranas ng tinatawag na ‘yellow alert’ o pangambang kakulangan ng suplay ng koryente sa dalawang magkasunod na araw. Sa kabuuan, bago magtapos ang taon na ito, nakaranas ang Luzon grid ng labing-apat na beses ng ‘yellow alert’. Ito ay mas marami kung ating bibilangin ang 39 na beses na ‘yellow alert’ mula sa pagpasok bilang Pangulo ng Filipinas si Duterte noong Hunyo 2016 hanggang 2018.
Ang sektor din ng real estate o mga developer ng mga pabahay at mga gusali, kasama na ang business process outsourcing (BPO) o sa mga nasa sektor ng ‘call centers’ ay nangangamba rin sa posibilidad ng kakulangan ng suplay ng koryente sa mga susunod na lima o sampung taon na maaring makaapekto sa pangmatagalang plano nila.
Matatandaan na ang BPO ay tuloy-tuloy ang operasyon sa bente kuwatro oras. Samantala naman, ang sektor ng real estate ay sumasakay sa galaw ng ating ekonomiya na base sa ‘build build build’ na programa ng administrasyon ni Pangulong Duterte.
Noong nakaraang panahon ng tag-init, kung saan nakaranas tayo ng ‘yellow’ at ‘red’ alert sa kakulangan ng suplay ng koryente, naglabas ng kalatas ang DOE na ang publiko ay hindi dapat mangamba sa sitwasyon na ito. Subali’t ang katotohanan ay dalawa pa lamang ang mga planta ng koryente ang nagsimula ng operasyon ngayong taon. Ito ay ang SMC Consolidated Power na may kapasidad ng 150 megawatts at ang San Buenaventura Power na may 500 megawatts. Sumatutal na 650 megawatts na karagdagang suplay ng koryente.
Subali’t ang pangangailagan ng ating bansa upang masabi natin na may sapat tayong suplay ng koryente na maaring magbaba ang presyo nito ay kapos ng 1,665 megawatts.
May tatlong power plant pa ang nakabinbin. Ang AES Masinloc Power Partners na maaring magbigay ng 300 megawatts; GNPower-Dinginin na may kapasidad na 600 megawatts at ang Solar Philippines-Tarlac. Ang tatlong ito ay nasa iba’t ibang lebel ng proseso para sa aprubal mula sa ating pamahalaan upang masimulan na ang konstruksiyon o operasyon ng mga ito. Kaya naman ito ang pangamba ng mga investor, ang business sector sa ating bansa. Kailan ito magsisimula magbigay ng karagdagang suplay ng koryente sa atin?
Ayon sa Infrawatch PH, isang infrastructure-oriented think tank, nagbabala sila na ang nasabing pagbukas na dalawang planta ng koryente na may kabuuan na 650 megawatts ay dagdag na 4% lamang sa kapasidad ng reserba ng ating koryente. Ito ay taliwas na forecast demand ng DOE na 4.9 % kada taon hanggang sa 2040 na ayon sa datos ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa kanilang Gross Domestic Product (GDP) projection.
Ang sinasabi ko rito ay ‘manipis’ na palaman pa lamang sa malalim na problema natin sa ating hinaharap na kakulangan ng koryente sa mga susunod na taon. Tulad ng krisis sa tubig na nararamdaman na natin dahil sa kakulangan ng karagdagang suplay nito, lalo na sa Kalakhang Manila.
Halos hawig na problema ng koryente. Mabagal ang aksiyon ng mga dating pamahalaan upang tugunan ang mga ito sa pamamagitan ng pangmahabaang solusyon. Ang pagtatayo ng mga dam at planta ng koryente ay hindi nagagawa ng ilang buwan. Taon po ang binibilang dito. Kaya habang usad-pagong ang dinadaan na proseso upang mapayagan ang mga ito upang magtayo ng mga impraestruktura para tugunan ang kakulangang ng suplay ng tubig at koryente… tayong mga mamamayan ang tatanggap ng dagok kinalaunan.
Comments are closed.