KRISIS SA TUBIG  MAUULIT

TUBIG-8

POSIBLENG maulit ang krisis sa tubig sa susunod na taon dahil wala pa ring bagong pagkukuhanan ng tubig ang Maynilad at Manila Water, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Kahit na maulan dahil sa bagyong Falcon, kritikal pa rin ang water level sa Angat Dam kaya posible aniyang maulit ang krisis sa susunod na taon kung hindi mapupuno ang dam.

“May possibility po na magkaroon ng water interruption but not at the scale na mangyari ngayong taon na ito,” pahayag ni MWSS chief regulator Patrick Ty.

“Ang worry po namin ay kung hindi po uulan sa mga darating na buwan ay baka mag-extend ang sitwasyon na ito. Hopefully, hindi,” ani Ronald Padua, head ng water supply operations ng Maynilad.

Sinabi nito na puwede namang  gamitin ang tubig-dagat mula sa Manila Bay  subalit may kaakibat itong dagdag na bayad.

Kailangan din muna nitong dumaan sa prosesong desalination o pagtanggal ng asin at iba pang “impurities.”

Pero kasabay nito ay magtitriple ang bayarin sa tubig.

“Ngayon ang cost for the tubig per cubic meter is around P30 to P40. ‘Pag sa desalination, ang cost, wala pang distribution, nasa around P90 to P100 na,” pahayag ni Ty.

Maari ring gamitin ang tubig sa mga ilog sa Metro Manila kahit marumi, ngunit  ang pinakamagandang source pa rin ay ang tubig-ulan galing sa mga dam.

Hinamon naman ni Ty ang mga opisyal ng Maynilad na inumin ang malabong tubig na lumalabas sa mga gripo kasunod ng water interruption. “Sila kaya uminom noon,” ani Ty.

“Kuhanin natin senior officers ng Maynilad at ipainom natin sa kanila,” dagdag niya.

Ang paghamon na ito ay matapos sabihin ng opisyal ng Maynilad na hindi delikado at ligtas inumin ang nasabing tubig.

Comments are closed.