INIHAYAG ng dalawang water concessionaires na posibleng tumagal pa sa 14 hanggang 17 oras kada araw ang mga ipinatutupad na water service interruption.
Ito ang pangamba ng Maynilad at Manila Water oras na tuluyan nang sumadsad sa 160 meter critical level ang Angat Dam at muling bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Ayon kina Manila Water CEO Ferdinand Dela Cruz at Maynilad President Ramoncito Fernandez, layunin ng mas mahabang water service interruption ang mapatagal pa ang imbak nila ng tubig.
Gayundin ang matiyak na sasapat ito sa kanilang mga kostumer.
Tiniyak naman ng dalawang water concessionaire na masusunod nang tama at nasa oras ang kanilang ipatutupad na water interruption batay sa kanilang ipinalabas na abiso.
Samantala, pinaghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko sa posibleng worst case scenario sa kakulangan ng suplay ng tubig.
“They said we should expect for the worst on Saturday,” ani MMDA General Manager Jojo Garcia.
Ito ang resulta sa pulong kamakailan ng MMDA sa Metropolitan MWSS, NWRB, PAGASA, Maynilad at Manila Water.
Umapela rin si Garcia sa publiko na maging responsable sa paggamit ng tubig.
“Kailangan nating maging responsable sa paggamit ng tubig. Kung lahat ng mamamayan, nag-ipon ng tubig, magkakaroon ng hoarding, mauubos lalo iyong supply natin,” ani Garcia.
Nangako naman ang mga concessionaire na susunod sila sa utos ng MWSS. Nagsimula na silang magpakalat ng abiso sa barangay level.
WORST CASE SCENARIO SA WATER SUPPLY SHORTAGE
PINAGHAHANDAAN NAGHAHANDA na ang pamahalaang lungsod ng Imus sa Cavite sa posibilidad na wala nang makarating na suplay ng tubig sa kanilang lugar.
Ayon kay Imus Mayor Manny Maliksi, pinaghahandaan na nila ang posibleng pinakamatinding sitwasyong maranasan ng kanilang lungsod lalo’t sila ang may pinakamahabang oras ng water service interruption sa kasalukuyan.
“Kami rito sa lungsod ng Imus, we are preparing for the worst,” ani Imus Mayor Manny Maliksi.
“Sana ‘di magkaroon ng panic na wala nang makukuha ang mga residente. Ang kailangan siguro talaga, makipag-coordinate siguro sa barangay,” ani Maliksi.
Batay kasi sa abiso ng Maynilad, walang suplay ng tubig sa Imus simula alas-12 ng tanghali hanggang alas-5 ng umaga kinabukasan o katumbas ng 17 oras.
Naghahanap na rin aniya ng alternatibong mapagkukunan ng tubig at kung paano titipirin ang suplay ng mga residente gayundin ng mga pamunuan ng ospital sa lungsod.
Nag-iisip na rin ang pamunuan ng Ospital ng Imus kung paano titipirin ang naipon nilang tubig dahil inaasahang maapektuhan ng service interruption ang kanilang operasyon.
“Siguro ang magiging isang adjustment namin diyan ay ang paglilimit ng mga bantay ng mga pasyente namin,” ani Dr. Karen Moreno, administrador sa Ospital ng Imus.
“Puwede sigurong isang bantay, isang pasyente, at iyong mga bisita rin mismo,” dagdag ni Moreno.
Tiniyak naman ng Maynilad na ilan sa kanilang mga water tanker ay ipadadala sa mga lugar na labis na apektado ng water interruption.
Nanganganib ding tumagal ang water interruption sa iba pang lugar sa Cavite gaya ng Kawit, Noveleta, Rosario at Cavite City. DWIZ882
Comments are closed.