‘KRISMAS TREE’ NA HALAW SA SIMBAHAN NG BARASOAIN PINAILAW NA SA BULACAN

Christmas tree

BULACAN – PINA­NGUNAHAN ni Gob. Daniel R. Fernando ang pagbibilang tungo sa pag-iilaw ng 5.5 na metrong Krismas Tree na itinayo sa harap ng Gusali ng Kapitolyo sa lungsod na ito kagabi at hinango ang disenyo sa simbahan ng Bara­soain.

Binati ng gobernador ang mga Bulakenyo na sumaksi sa pagpapailaw gayundin sa parada ng mga Pamaskong karosa.

Pahayag naman ni Kristen Leigh Iso-Rosario, nagdisenyo ng kapapailaw lamang na Pamaskong dekorasyon, na ang layunin ng nasabing atraksiyon ay ang magbigay saya sa mga tao anuman ang laki nito.

“Yearly giant Christmas tree ang ginagawa natin. Ngayon we made it different by recreating Barasoain Church using singkaban details,” pahayag ni Rosario.

Aniya, ang mga materyales na ginamit dito ay mula sa isang expo competition sa Clark nitong nakaraang buwan kung saan nanguna ang lala-wigan.

“Naglaban-laban ‘yung Region 3, bawat province nag-display ng best products, nagkaroon ng pinakamagandang booth competition at nag-first ang Bulacan, we won. So in a way, parang trophy na rin ito ng lalawigan, ni-recycle natin, dinala natin dito nilagyan lang ng Christmas tree,” kuwento ni Rosario.

Samantala, sinabi ni Fiona Alvarado mula sa Hagonoy na namamang­ha pa rin siya matapos ang fireworks display na siyang tumapos sa gawain.

“Na-excite ako, feeling ko Pasko na agad. Ang ganda, hindi basta Christmas tree lang ‘yung dadayuhin mo kundi pati ‘yung iba pang mga pailaw at design, nakakaganda sa selfie,” ani Alvarado.

Masasaksihan at mapapasyalan ang nasabing Pamaskong disenyo hanggang Enero 2020. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.