KRISTO NAKABANGON SA PANDEMYA

positibo_esikyu

HANGGANG ngayon ay marami pa ring mga trabahador ang hindi pa nakababalik sa orihinal nilang hanapbuhay.

Kabilang sa pansamantalang dumiskrte ng pagkayod ay si Mang Pidyong, 58-anyos, may asawa at anim na anak.

Isang kristo si Mang Pidyong, hindi panrelihiyon kundi pansabong.

Nang ibaba ng Inter-Agency Task Force on Management For Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang kautusan na enhanced community quarantine noong Marso 16 ay otomatikong nahinto ang pagiging “kristo” ni Mang Pidyong.

Dalawang linggong nasa bahay lang ang Kristo, umasa sa naitabing pera at pagkain ng kaniyang misis,  gayundin sa ayuda ng kanilang barangay para maitawid ang kanilang sikmura.

Nag-isip si Mang Pidyong nang sipatin ang kanilang paminggalan lalo na ang lalagyan ng bigas na malapit nang masaid.

Bagaman sinabing isang buwan lang ang ECQ,  ayaw magpakampante ni Mang Pidyong

Tiningnan niya ang ilalim ng kanilang higaan ng misis,  binilang ang tig-iisandaang pisong buo, kulang P5,000.

Dahil sa manok binuhay ang pamilya,  manok din ang naisip itinda ni Mang Pidyong.

Isinugal ni Mang Pidyong ang natitirang pera at sa unang araw, dahil lockdown ay ubos ang panindang manok.

“Ayos!” ang nasambit ni Mang Pidyong at agad kumontak sa nagsu-supply ng manok para umorder at makapagtinda.

Naging ganado sa pagtitinda si Mang Pidyong at dahil maganda ang kita ay dinangdagan na niya ng baboy pa.

Sinabi ng bidang Kristo na bagaman asam niya na matanggal na ang kuwarantina dahil sa COVID-19 pandemic, hindi na siya nababahala dahil sa loob ng pitong buwan ay nakatagpo siya ng bagong pagkakakitaan.

Naniniwala rin si Mang Pidyong na babalik din ang pagiging Kristo niya ngunit sa ngayon puspos siya sa pgdarasal na maging normal ang lahat at makatawid sila ng kaniyang pamilya sa krisis pangkalusugan.

Ang aral na natutunan ni Mang Pidyong ay mahalaga talaga ang pagsusubi ng salapi dahil kung wala  siyang naitabi noon ay wala siyang pampuhunan sa pagtitinda ng manok.

Comments are closed.