‘KRISTO’ SA SABUNGAN ITINUMBA

Sabungan

MALABON CITY – PATAY ang isang 54-anyos na “kristo” o tagatawag ng taya sa sabungan na umano’y sangkot sa pandaraya sa mga sabungero matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa parking lot ng sabungan sa Malabon City, kama­kalawa ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, dead on the spot sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan si Alexander Francisco ng 36 S. Pascual Beacum, Brgy. San Agustin.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jose Romeo Germinal, alas-6:25 ng gabi, naglalakad ang biktima sa parking area ng Dampalit Cockpit Arena sa Brgy. Dampalit nang lapitan ito ng gunman at walang sabi-sabing pinagbabaril sa ulo at katawan.

Matapos ang insidente, agad sumakay ang gunman sa naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabwat bago mabilis na nagsitakas patungo sa Obando, Bulacan.

Pahayag ni Sgt. Germinal na bilang isang “kristo”, naaalala ni Francisco ang lahat ng tumataya sa pamamagitan ng pagsenyas ng mga kamay sa loob ng sabungan na hindi sinusulat ang mga ito, subalit sa ilang okasyon niloko umano nito ang mga nanalo at mawala sa loob ng ilang linggo o buwan.

“Magpapalamig lang ‘yan tapos lulutang ulit sa sabungan,” ani pulisya.

Patuloy naman ang follow-up na imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa insidente. EVELYN GARCIA

Comments are closed.