Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Phoenix vs GlobalPort
7 p.m. – Ginebra vs Columbian
TANGAN ang 4-4 kartada sa ikaapat na puwesto at kailangang manalo sa dalawa pang laro para makapasok sa quarterfinals, haharapin ng Global Port ang Phoenix at palalakasin ng Barangay Ginebra ang kanilang kampanya kontra Columbian sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Sasagupain ng Batang Pier ang Fuel Masters sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon habang magsasalpukan ang Kings at Dyip sa main game sa alas-7 ng gabi.
Determinado ang Global Port na kunin ang panalo para lumapit sa susunod na round at samahan ang early qualifiers Rain or Shine, Alaska, Meralco at Talk ‘N Text.
Papasok sa court ang Batang Pier na mataas ang morale matapos talunin ang outstanding favorite at reigning Philippine Cup champion San Miguel Beer, 98-94, nitong Hunyo 13 sa Mall of Asia Arena.
“This game is important to us. We have to win this and beat teams sa ibaba namin para makapasok sa next round,” sabi ni Global Port coach Pido Jarencio na makikipagtagisan ng galing kay Phoenix coach Louie Alas.
Pangungunahan ni import Malcom White ang opensa ng Global Port, katuwang ang mga locals na sina Stanley Pringle, Sean Anthony, Kelly Nabong, Moala Tautuaa, Bradwyn Guinto, Ryan Arana at Nikko Elorde.
Si Elorde ang susi sa panalo ng GlobalPort laban sa San Miguel Beer at inaasahang muli itong gaganap ng malaking papel sa opensa ng koponan.
Hahadlangan ang opensa ng Batang Pier nina import Eugene Phelps, Matthew Wright, Jeff Chan, Douglas Kramer, William Wilson, Jayson Perkins, RJ Jazul at JC Intal.
Pinapaboran din ang mga bataan ni coach Tim Cone laban sa tropa ni coach Ricky Dandan dahil lamang sa tao at mas magaling ang import nito na si Justine Brownlee kumpara kay John Fields.
Nanganib ang kampanya ng Gin Kings matapos matalo sa sister team San Miguel Beer at biglang nabuhayan nang magwagi laban sa NLEX Road Warriors at sister team Magnolia Hotshots.
Kailangang ipanalo ng Barangay Ginebra, may 3-5 marka, ang natitirang tatlong laro laban sa Columbian, Alaska at GlobalPort para makapasok sa playoffs. CLYDE MARIANO
Comments are closed.