PUSPUSAN ang paniniktik ng intelligence operatives ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) matapos na isapubliko ang computerized facial composite (CFC) ng suspek sa pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong Agosto 28 na nag-iwan ng tatlong patay at 36 na sugatan.
Ayon sa pamunuan ng AFP at PNP, pinaigting ng kanilang mga tauhan ang kanilang intelligence network para madakip ang sinasabing nag-iwan ng sumabog na improvised explosive device (IED).
Nabatid na nitong nakalipas na linggo ay opisyal na isinapubliko ng PNP Police Regional Office-12 (PRO-12) ang computerized artist sketch ng suspek, ayon kay Supt. Aldrin Gonzales, spokesperson ng PRO-12.
Mismong si PRO-12 director, Chief Supt. Eliseo Tam Rasco ang nagbigay ng go signal para sa opisyal na CFC ng suspek na inilarawan na isang 20 hanggang 25-anyos na lalaki, 5-foot-6 hanggang 5-foot-7 ang taas at may bigat na 55 hanggang 60-kgs, katamtaman ang laki at may white complexion.
Sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Special Investigation Task Group (SITG) “Hamungaya,” lumalabas na ang suspek ang nag-iwan ng IED gamit ang cellular phone na may nine volts battery power source bilang triggering device.
Na-establish din na iniwan ang nasabing IED malapit sa isang motorsiklo na naka-park sa harap ng isang establisimyento malapit sa ukay-ukay area kung saan ay hinihinalang hindi nag-iisa ang suspek sa pagplano sa nasabing pagpapasabog.
Ngayong nakalatag na ang mukha ng suspek ay nanawagan sa publiko ang pulisya at militar ng kooperasyon para sa agarang kalutasan ng kaso.
Magugunitang una nang kumalat sa social media ang isang larawan ng umano’y suspek ng Isulan bombing subalit itinanggi ng PNP. VERLIN RUIZ
Comments are closed.