KULANG NA SECURITY SA NAIA, ITINANGGI NG OTS

PINASINUNGALINGAN  ng Office for Transportation Security (OTS) ang public advisory ng United States Department of Homeland Security (US DHS) na in-adequate o kinukulang ang mga security sa Ninoy Aquino International Airport.

Ayon kay OTS Administrator Ma. O Aplasca, ang kumakalat na lumang advisory ng Homeland Security ay naga-advice sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na sundin ang effective security measures sa mga paliparan.

Aniya, sa katunayan ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Philippine airport sa kanilang mga counterpart sa ibat-ibang bansa upang mapabuti ang seguridad ng mga airport sa buong bansa.

Bilang pagpapatunay ay pinuri ang OTS at iba pang airport authorities ng US Transportation Security Administration (TSA), sa isinagawang assessment noong nakalipas na August 2022, dahil sa patuloy na pagpapatupad ng adequate security measures. Ang Pilipinas aniya ang unang bansa sa Asia na may advanced security screening technologies na nasa istratehiyang lugar.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OTS sa Manila International Airport Authority, Philippine National Police at Aviation Security Group upang masunod ang international standards ng civil aviation security sa mga paliparan.
Froilan Morallos