APRUBADO na sa House Committee on Public Order and Safety, na pinamumunuan ni Masbate Rep. Narciso Bravo Jr., ang subsitute bill na naglalayong babaan ang minimum height requirement para sa mga nais maging kasapi ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ang ipinahayag ni Sulu Rep. Samier Tan, vice-chairman ng nasabing komite at pinuno ng Subcommittee on Police Operations, na siyang bumalangkas ng panukalang batas na nagtatakda ng one meter and 57 centimeters para sa lalaki (5’2″) at one meter and 52 centimeters (5’0″) na naman sa babae bilang minimum height requirement sa PNP, BFP, BJMP at BuCor applicants.
Sa kasalukuyan, ang mga lalaking mayroong taas na one meter and 62 centimeters (1.62m), at one meter and 57 centimeters (1.57m) sa babae, ang sila lamang tinatanggap bilang aplikante sa recruitmemt process ng naturang mga ahensiya.
Subalit ayon kay Tan, ninais ng kanilang ‘mother committee’ ang pagkakaroon ng probisyon na nagpapahintulot sa Philippine National Police Academy (PNPA) na panatilihin ang itinakda ng akademiya na height requirement para sa mga aplikante nito.
Kinatigan din ng House panel na alisin na ang umiiral na sistema na paghahain ng ‘waiver’ sa height requirement kapag ang aplikante ay kasapi ng alinmang cultural communities o indigenous peoples’ group, dahil na rin sa mga ulat na kadalasang naabuso ang pribilehiyong ito.
“Instead, it was lowered to one meter and 52 centimeters for the male (1.52 m) and one meter and 47 centimeters (1.47 m) for the female applicants,” sabi ni Tan.
Ayon kay Tan, sa pagbababa ng minimun height requirement para sa uniforned personnel partikular ng mga nabanggit na ahensiya, magbibigay-daan ito para makapag-recruit sila ng ‘best and highly qualified applicants” lalo na para sa posisyon na nangangailangan ng technical skills gaya medical practitioners gayundin ng lawyers, priests at chaplains, at iba pa.
Sa panig ni Bravo, sinabi nito na “the bill is a timely measure considering the employment opportunity that it will bring to the many Filipinos who are now facing difficult times.” ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.