KULONG AT MULTANG P2-M-P20-M SA CHILD ONLINE SEXUAL ABUSE

NAGBABALA ang isang ranking official ng Kamara sa mga indibidwal o grupo na bukod sa pagkakakulong, posibleng maharap din sa kaparusahang multa na P2 milyon hanggang P20 milyon ang sinumang mapatunayang sangkot sa online sexual abuse and exploitation ng mga kabataan.

Kasabay nito, nanawagan si House Committee on Accounts Chairperson at TINGOG party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez sa mga kinauukulang ahensiya na agarang maipatupad ang Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Law.

Ayon sa lady party-list solon, ang Congress-approved Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Bill, kung saan siya ang principal author, ay nag-lapsed o lumipas sa takdang panahon kung kaya awtomatiko na itong naging batas.

Kaya naman apela ni Romualdez na gumawa ng kaukulang aksyon ang pamahalaan, partikular ang pagbalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) para sa RA 11930.

“We owe it to every Filipino child to ensure their safety and protection both online and offline – in their schools and their homes – and to make the internet an enabling and empowering space for growth and learning. The true strength of our nation is seen in the smiles of children. The well-being, integrity and safety of our children are the most precious gift we can give them,” paggigiit pa ng ranking House official.

Sa ilalim ng naturang batas, sinabi ni Romualdez na pangunahing layunin nito ang matuldukan ang nagaganap na child sexual abuse, kabilang ang pagpapakalat sa social media websites ng mga mahalay na larawan at video material ng mga minor de edad.

Kaya naman itinatakda rin ng RA 11930 ang pagbibigay ng seryosong responsibilidad sa lahat ng social media websites at electronic service providers na suriing mabuti, bantayan, pigilan at itabi upang magamit na ebidensiya ang anumang exploitative materials na dadaan sa kanila.

Paalaala ni Romualdez, may kaakibat na parusang kulong, na ang tagal ay base sa desisyon ng korte at multa na P2 milyon para sa isang indibidwal na nasa likod ng online child abuse, habang maximum na life imprisonment at P5 milyon hanggang P20 milyon na multa para sa large-scale offenders. ROMER R. BUTUYAN