(Kulong ng 6 hanggang 12 taon) BENTAHAN NG PNP UNIFORM ONLINE BABANTAYAN

NAGBABALA ngayon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na maaaring makulong ng anim na taon hanggang 12 taon ang mga lalabag sa pagbebenta ng mga police uniform sa mga hindi lehitimong kasapi ng organisasyon.

Ito ay base sa umiiral na Article 179 ng Revised Penal Code o RA 3815 na nagbabawal alinsunod sa batas ang iligal na pagbebenta ng uniporme ng pulis.

Nabatid na nadiskubre ng PNP ang talamak na bentahan ng police uniform sa mga online shopping platform kamakailan.

Dahilan para pumasok sa kasunduan ang PNP sa e-commerce na Lazada.

Inihayag ni PNP Public Information Office (PIO) Chief BGen. Red Maranan, layon ng nasabing Memorandum of Understanding (MOU) na masawata ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga peke o nagpapanggap na alagad ng batas.

Sinasabing naging maluwag ang bentahan ng mga police uniform online kung saan may mga report na natatanggap na nagkalat na rin ang bentahan ng police uniform kahit sa hindi mga lehitimong pulis.

Sinabi pa ni Maranan, sadyang mapanganib ito dahil pwede itong gamitin ng mga kriminal sa paggawa nila ng krimen.

Nakapaloob sa MOU, lahat ng nagtitinda ng uniporme ng pulis ay dapat na nakarehistro at dapat hingan ng ID card ng mga nagtitinda ang kanilang mga customer para matiyak na lehitimong pulis ang kanilang katransaksyon.
VERLIN RUIZ