NAGBABALA ang Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista at anumang grupo na kulong ang kahahantungan kapag nagsunog ng effigy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pagsusunog ng effigy ng Pangulo ng bansa ay kadalasang ginagawa ng mga raliyista tuwing sasapit ang State of the Nation Address (SONA) kaya naman nagpaalala ang pulisya na kanilang aarestuhin ang lalabag sa nasabing kautusan.
Sa kabila nito, tiniyak ng Quezon City Police District (QCPD) na handa na sila para sa ikatlong SONA ni Pangulong Marcos sa Hulyo 22.
Kahapon ay ginalugad ni QCPD Director BGen. Redrico Maranan ang Civil Disturbance Team at mga kagamitan na idedeploy sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at paligid ng Batasan Pambansa upang matiyak na ligtas ito.
Pinaalalahanan nito ang kanyang mga tauhan na ipatupad ang maximum tolerance.
“Ang maximum tolerance ay ‘yung highest degree of restraint na puwedeng gawin ng mga kapulisan. ang borderline niyan ay ‘yung pagka mga nagra-rally ay nagsimula na lumabag sa mga umiiiral na batas, nagulo, nanakit, nanira ng mga personal at mga government properties then we will effect arrest,” ayon kay Maranan.
Una nang inanunsyo ni PCol. Jean Fajardo, PNP Spokesperson na nasa 22,000 pulis ang idedeploy sa Metro Manila sa araw ng 3rd SONA ni PBBM at iba pa ang mahigpit na checkpoints sa mga kalsada sa mga lalawigan.
Habang sinabi ni Fajardo na hanggang kahapon, wala silang natatanggap na ulat na may banta sa seguridad para sa
nasabing political event.
Magugunitang sa panayam ng media kay PNP Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil sa unang araw ng 2nd PNP Press Corps Invitational Shootfest noong July 5, sinabi nitong mas tutok sila sa daloy ng trapiko sa araw ng SONA.
Karaniwan aniyang reklamo ng motorista at publiko ang trapiko kapag may political event sa Batansang Pambansa at iyon ang kanilang reremedyohan.
EUNICE CELARIO