KULTURA NG PAGKALINGA, IBALIK–CARDINAL TAGLE

CARDINAL TAGLE

NANINIWALA si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang kayabangan at kasakiman ay bunga ng kawalan ng pakialam sa kapwa at kalikasan.

Ito ang inihayag ni Tagle nang dumalo sa pagpapasinaya sa Solar Power Facility ng Holy Apostles Senior Seminary sa Guadalupe, Makati City nitong Martes.

Sinabi ni Tagle na isang magandang hakbang ang naturang Solar Power Facility, lalo na ngayong buwan na ipi­nagdiriwang din ang Season of Creation.

Binigyang-diin niya na ang paggamit sa natural resources bilang alternatibong pinagkukunan ng enerhiya ay pagpapakita ng pagmamahal at malasakit sa kalikasan.

Iginiit pa niya na kapag nawala na ang pakialam ng tao sa kapwa nito at maging sa kalikasan, ay nagsisimula nang mag­hari ang ‘kayabangan at kasakiman.’

Nagbabala pa ang Cardinal na ang dalawang ito ang nagiging sanhi upang maglaho ang pagpapahalaga ng tao sa lahat ng nilikha ng Panginoon.

“When caring is no longer appreciated as a human value, when being caring is replaced by carelessness, I could care less, when caring is replaced by greed, by pride, when caring is thrown away, when caring disappears, even human beings are thrown away, values are thrown away,” anang Cardinal.

Dahil dito, ipinaa­lala rin ni Tagle na mahalagang maibalik ang kultura ng pagkalinga at pagpapahalaga hindi lamang sa kalikasan kundi ma­ging sa kapwa tao.

Aniya, kapag tiningnan ang tao bilang isang kasangkapan lamang ay madali na ring gawing kasangkapan at sirain ang kalikasan.

Tiwala naman si Tagle na sa maliliit na hakbang tulad ng paggamit ng Solar Power Facility ay nakatutulong ito upang mapanumbalik ang “Culture of Caring.”

“This little acts and our blessing today is one of those actions that must be encouraged in order to really build up a whole culture of caring. We need to recover the spirituality, gratitude for the creator, appreciation for the gift of creation, and recover our vocation to be stewards and care givers,” aniya.

Nabatid na ang Solar Power Facility ng Holy Apostles Senior Seminary ang kauna-unahan sa lahat ng seminaryo sa Archdiocese of Manila.

Nakalilikha ito ng 22.32 kilowatt peak at maaaring mapunan ang halos 43% ng day time electric consumption ng buong institusyon.    ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.