Hinding-hindi mawawala ang kultura ng Pamamanata sa puso ng mga Filipino. (Pamamanata: Devotion to the Patron Saint). Katoliko man o hindi, nasa puso natin ang pananalig sa Diyos, kaya bawat relihiyon ay may kanya-kanyang uri ng pamamanata, kahit pa mas nabibigyan ng diin ang mga debotong Katoliko.
Ito ang dahilan kaya marami tayong festivals na isinasagawa taon-taon, at buwan-buwan, sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Umpisahan natin ito sa Tatlong Hari na unang araw ng Linggo ng Enero, susundan ng translasyon ng Nazareno sa January 9, Santo Niño sa ikatlong araw ng Linggo sa Enero, Birhen ng Lourdes sa February 10, San Jose sa March 19, at kung anu-ano pa.
Pero hindi lamang iyan ang klase ng pamamanatang alam ng mga Filipino. May nakilala kaming miyembro ng Iglesia ni Cristo na tuwing alas sais ng gabi ay humihinto ng sampung minuto upang manalangin kapag may hinihingi siya sa Panginoon. Iyon daw ang paraan niya ng pamamanata.
Isang kaibigang Muslim naman ang hindi kumakain maghapon tuwing Biyernes dahil bahagi raw ng pamamanata niya ang fasting.
Umamin ang Mommy ko na naglakad siya ng paluhod sa Quiapo dahil sa pamamanata at ang kapatid ko naman ay nag-novena sa Saint Jude. At ang inyong lingkod, aaminin ko sa inyong namanata rin ako sa Redemptorist Church sa Perpetual Help.
Hindi maikakailang ang pamamanata ay bahagi na ng buhay ng mga Pinoy, na walang kinikilalang social status. In other words, mayaman man o mahirap, wala itong pinipili. Minsan, nakita ko sa Baclaran si Boy Abunda. Si Noli de Castro, nakikihila ng lubid sa Translacion. Si Loren Legarda, namataan kong minsan sa Lourdes Shrine. Not to mention ang milyun-milyong Filipino na buong katapatang nagdarasal para sa sari-sarili nilang kahilingan.
Kapag Mahal na Araw, bilang isang batang lumaki sa Nasugbu, Batangas, nasaksihan ko ang pamamanata ng ilang siga at lasenggo. Nagpipinitensya sila tuwing Biyernes Santo upang “mabawasan raw” ang kanilang nagawang kasalanan.
Ang ilan namang matatanda ay nagsasagawa ng Pabasa, na naging panata na raw nila sa kanilang buhay bilang pasasalamat sa mga biyayang kanilang natanggap.
Mayroon namang nagmimintene ng mga rebulto ng santo upang isali sa prusisyon. May isa kaming kakilalang lahat ng anak na babae ay pinahahaba ang buhok upang ipagawang buhok ng Mahal na Birhen ng Imaculada Concepcion na ipinuprusisyon tuwing December 8. Panata raw ito ng kanilang pamilya dahil sinuwerte sila sa negosyo mula nang mamanata sila sa nasabing birhen.
Kung iisa-isahin natin ang pamamanata ng mga Filipino, hindi kakasya ang ating pahina para dito. May natutupad sa kanilang mga kahilingan, at minsan naman ay hindi. May nagpapasalamat lamang, at mayroong buong taimtim na humihiling.
Ngunit ano pa man ang mangyari, naroon ang paniniwala at pananampalataya
Ang Pilipinas ay isang culturally diverse country. Patuloy tayong nakatatagpo ng mga bagay na magpapatunay na kahit noong hindi pa tayo Katoliko ay may pamamanata nang nagaganap na laan sa mga engkantado, diyoses at anito – patunay ng mayaman nating pamana, kultura, at sining.
Lagi tayong naghahanap ng pang-unawa kung ano ang tunay na kahulugan at pagkakakilanlan sa isang Filipino.
Ikaw bilang Filipino, may panata ka ba? JAYZL VILLAFANIA NEBRE