KUMAIN NANG WASTO UPANG MAGING AKTIBO

KUMAIN-1

(Ni CYRILL QUILO)

PAGKAIN ang isa sa pangangaila­ngan ng tao nang mabuhay. Importante rin ang pagkain nang wasto upang maging aktibo, hindi lamang ang katawan kundi maging ang isipan.

Bilang magulang, dapat ay tamang nutrisyon ang ibinibigay o inihahanda natin sa ­ating mga anak. At ang buwan ng Hulyo nga ay idineklarang Nutrition Month.

Dahil dito ay nag­lunsad ang National Nutrition Council (NNC) ng National Campaign ayon na rin sa Presidential Decree 491 noong 1974 na tuwing sasapit ang nasabing buwan ay kailangang maging aware ang bawat magulang at mga bata sa pagkain ng masusustansiya.

Mga pagkaing mayaman sa bitamina tulad ng mga prutas, gulay at isda. Balanseng diet, ‘ika nga ang dapat ihain ng mga magulang para sa kanilang mga anak.

Mapakain nang wasto, bawal ang mga junk food na talaga namang may masamang epekto sa kalusugan ng bawat tao.

Sa panahon ngayon, maraming pagkain o restaurants ang nauuso. Dapat sa ating mga magulang ay maging matalino sa pagpili ng pagkaing kahihiligan at ihahain sa hapag. Mga pagkaing natural at higit sa lahat ay masustansiya.

Gulay is the key. Kinakailangan na mag-isip tayo ng kakaibang putahe gamit ang gulay na hindi aayawan ng mga anak. Lalo na sa mga batang ayaw kumain ng gulay. Gawin natin itong unique o may kakaibang ingredients o sangkap na talaga namang magugustuhan ng mga bata. Ibang hitsura na may mga korte o dekorasyon sa plato upang ganahan silang kumain.

Bukod sa gaganahan kumain ang mga bata ay lalakas pa ang kanilang pangangatawan, magi­ging aktibo ang katawan at isipan.

Ang pag-eehersisyo ay isa sa kailangan ng katawan. Mas nakapag-iisip din tayo ng mabuti kung kahihiligan ang pag-eehersisyo sa araw-araw. Pagkatapos niyan ay kailangan naman ang pag-inom ng maraming tubig upang mapanati­ling hydrated ang katawan at lumabas ang mga naipong toxins.

Ilan lang ito na makatutulong sa ating katawan upang malayo sa sakit. Mamuhay ng simple at kumain ng tama. Maging malusog. ‘Ika nga sa isang commercial sa telebisyon: “Bawal Magkasakit”. Kaya habang maaga ay kailangang turuan natin ang mga bata na kumain ng tama.

Marami tayong pagkain na puwedeng imbentuhin. Tulad ng ginagawa ng isang eskuwelahan sa Calamba Laguna, ang Berenice School Foundation. Taon-taon ay nagkakaroon sila ng paligsahan para sa mga magulang sa paghahanda ng mga kakaibang putahe at masustansiyang pagkain.

May kaukulang ha­lagang 500 pesos na pag-aambagan ng mga magulang. Hindi dapat ito sumobra sa nasabing halaga. Mag-iisip talaga ng putaheng swak sa meryenda tangha­lian. May inumin din na healthy at natural tulad ng lemonade, pinaglagaan ng talbos ng kamote na pinigaan ng kalamnsi, isang instant juice na may twist.

Bukod diyan, may paligsahan din sa mga representative sa bawat grade level sa elementarya, sa mga muse at escort sa pagsusuot ng costume na gawa rin sa mga balat ng pagkain tulad ng gatas, gulay, prutas, shellfish at marami pang iba.

Hindi rin nawawala ang zumba na paborito ng lahat. Pampapawis sa mga bata man o matanda. Estudyante, magulang o guro, lahat ay nakikipagtulungan sa kampanya ng ­ating gobyerno na ma­ging malusog ang mga mamamayang Filipino. Sari-saring pakulo ang mga paaralan sa elementarya, pampubliko man o pribado.

Kaya’t bilang magulang, ngayon pa lang ay gumawa na tayo ng paraan nang mapakain natin ng wasto o tama ang ating mga anak. Hikayatin din natin silang mag-ehersisyo ng regular.

Comments are closed.