MALABON CITY – TULUYAN nang hindi nagising ang 20-anyos na pizza vendor sa lungsod na ito kahapon ng umaga.
Kinilala ni Malabon police PSI Carlos Cosme Jr. ang biktima na si Allan James Castueras, stay-in sa No. 143 Yanga St. Brgy. Maysilo.
Batay sa imbestigasyon nina SPO2 Jerico Pascual at SPO1 Roger Gonzales, dakong alas-11:30 ng gabi nang matulog ang biktima at kanyang kasama sa trabaho na si Val Canapi, 25, matapos kumain ang mga ito ng kanilang hapunan na ulam umano ay manok.
Bandang alas-9 ng umaga nang gisingin ni Canapi ang biktima para magpasa ng kanilang benta subalit, nang buksan ang ilaw ay laking gulat na lamang nito nang hindi na tumutugon si Castueras.
Agad ipinaalam ni Canapi sa kanilang Secretary na si Sarah Sumaray ang insidente na humingi naman ng tulong sa pulisya at lumabas sa cursory investigation ng mga tauhan ng SOCO, walang nakitang kahit anung sugat sa katawan ng biktima.
Hinihintay pa ng pulisya ang isasagawang autopsy examination sa katawan ng biktima para matukoy kung ano ang ikinamatay nito. EVELYN GARCIA
Comments are closed.