SA WIKANG Ingles, ang tawag dito ay ‘barking up the wrong tree’. Ito ay isang idyom na nagpapahayag ng isang aral. Ang ibig sabihin nito ay kapag ang isang hayop na hinahabol ng aso ay biglang umakyat sa isang puno upang makaiwas sa panganib. Subalit ang aso ay patuloy na kumakahol bilang patunay na ang nasabing hayop ay nasa taas ng puno. Lingid sa kaalaman nila, ang hayop ay tumalon na pala sa ibang puno at nakatakas na. Mali ang puno kung saan kumakahol ang aso. Wala na roon ang hayop. Ang aral dito ay mali ang pagkakaintindi ng isang tao o mali ang pananaw sa isang bagay.
Nasabi ko ito dahil sa isang balita na nabasa ko. Ito ay tungkol sa isang binatilyo na kakabertdey pa lamang. Kasama niya ang mga barkada habang naglalakad sa iskinita. Plano nilang bumili ng inumin at pagkain upang magselebreyt ng kanyang kaarawan. Minalas naman at may nakawalang aso sa kalye, natakot ang bata at biglang tumakbo. Natural na reaksiyon tuloy ng aso ay habulin ang binata. Nagsunuran tuloy ang mga kasama niya at lahat sila ay kumaripas ng takbo at naghihiyaw. Mas naudyok tuloy ang nasabing aso at hinabol sila sabay ang kahol.
Sa kasawiang-palad pagdating sa kanto, nauna ang binatilyo at nahagip ng rumaragasang sasakyan. Tinamaan siya at namatay. Nangyari ito noong ika-4 ng Enero sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City.
Ang biktima ay si Joshua Cabag, 20-anyos at malapit nang magtapos sa Batangas State University sa Hunyo. Mukhang nagbabakasyon siya rito sa Maynila. Kawawa naman ang bata, kasama na pati ang mga magulang, kapatid at kaibigan na nagdadalamhati sa biglaang pagpanawa ni Joshua.
Subalit ang napansin ko lamang dito, ang mga balita ay nakasentro lamang sa pangyayaring paghabol ng aso na naging sanhi ng pagkabundol at pagkamatay ni Joshua. Ang drayber ng sasakyan ay hindi huminto. Tinawag nila ang insidente bilang isang ‘hit and run’. Ika nga, dito nagtatapos ang istorya.
Bakit wala sa istorya kung sino ang may-ari ng aso? Hindi ba’t hindi sana nagyari ang trahedya kung hindi sila hinabol ng aso? Hindi ba dapat responsibilidad ng bawat may-ari ng aso na siguruhin na nasa loob ng kanilang bakuran ang kanilang alagang aso at hindi pagala-gala sa kanilang komunidad?
Ayon sa Republic Act 9482 o The Anti-Rabies Act, nasa ilalim ng Section 5 ang mga responsibilidad ng may-ari ng mga aso. Sa Rule 5 (c) 1. “The pet owner must maintain control over the Dog and not allow it to roam the street or any Public Place without a leash.”
Malinaw na ang asong humabol kay Joshua at sa kanyang grupo ay lumabag sa nasabing batas. Dapat sana ay isinama ng reporter ang pangalan ng may-ari ng aso at hindi lamang nakasentro sa paghabol ng aso na naging sanhi ng pagkabundol ni Joshua.
Ito kasi ang mahirap sa karamihan ng ating mga kababayan. Mababa o minamaliit nila ang papel ng aso sa kanilang tahanan o komunidad. Sila ay ‘pet’ o alaga. Sila ay hindi dapat nakakawala sa lansangan. Hindi ba ang mga lokal na pamahalaan ay may ordinansa laban dito? May programa sila laban sa rabies at panghuhuli ng mga galang aso. Ano ang dahilan nito? Upang protektahan ang kanilang mga mamamayan.
Subalit hindi naprotektahan si Joshua. Malinaw na hindi dapat siya namatay kung hindi nakakawala ang aso na humabol sa kanya.
Ang balita sa nangyari kay Joshua ay maaari nating tawagin na ‘barking up the wrong tree’. Ang balita ay nakasentro sa kumakahol at paghabol ng aso kay Joshua na nag-ugat sa kanyang pagtakbo at kinalaunan ay nabundol ng isang sasakyan sa kanto. Mali na tumakbo ang drayber. Subalit sigurado ako na hindi niya akalain na may susulpot na aso sa nasabing iskinita.
Samantala, ang may-ari ng asong humabol kay Joshua ay maaaring nakokonsiyensiya sa nangyari ngunit ang pagkakaalam nila ay wala silang kasalanan sa pagkamatay ni Joshua.