KUMAKATOK ULIT ANG COVID-19 SA ATING KAPALIGIRAN

UNA sa lahat, nais kong bumati ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat.

Ilang araw na lang at sasalubungin na natin ang 2024. Harinawa’y mas magandang kinabukasan ang naghihintay sa Pilipinas sa susunod na taon.

Tamang-tama ang paksa na tatalakayin ko ngayon. Ako ay hindi nakapagsumite ng kolum ko noong nakaraang linggo at nitong Martes. Medyo masama ang pakiramdam ko at masakit ang ulo noong ika-23 ng buwan na ito.

Sabi ko nga sa sarili ko ay kung bakit sa mga panahon na iyon ay tila magkakasakit ako, dalawang araw bago ang Pasko.

Mabuti naman at hindi ako nagka-sipon. Sumakit lamang ang mga kasu-kasuan ko kasama na pati ulo ko. Hindi naman mataas ang temperatura ng aking katawan, subalit medyo matamlay ang pakiramdam ko.

Hindi na ako nag-abalang mag-antigen test kung ako ay may COVID-19. Nagsuot na lamang ako ng face mask, uminom ng paracetamol at nagpahinga. Mabuti na lamang at hindi nagtuloy sa trangkaso o kaya naman ay ubo at sipon.

Kaya naman nais kong paalalahanan ang lahat na ingatan ang ating kalusugan. Sigurado ako na marami rin sa atin at mga malapit na kilala o kaya naman ay kamag-anak na tinamaan ng ubo’t sipon o kaya naman ay trangkaso nitong mga nakaraang linggo.

Ayon sa Octa Research, ang COVID-19 positivity rate ay bahagyang tumaas sa Metro Manila.

Ipinahayag ni Dr. Guido David na ang positivity rate ay nasa 24.8 percent sa National Capital Region. Noong ika-19 ng Disyembre, ang naitalang positivity rate ay nasa 22% at umakyat ito sa 24.8% noong ika-26 nitong buwan.

Subalit ang datos na ito ay ang mga naiulat lamang sa mga ospital. Hindi kasama rito ang mga kababayan natin na may sintomas ng COVID-19 ngunit hindi na nag-abalang pumunta sa ospital upang magpatingin.

Marahil isa na ako roon. Hindi ko naman kasi alam kung ang naramdaman kong sakit noong nakaraang linggo ay positibong COVID-19 o kaya naman ay hindi pala. Wala naman kasi akong ubo at sipon.

Kung meron man na magandang balita dito, ang bagong variant o uri ng COVID-19 ay hindi tulad sa tumama sa atin, tatlong taon ng nakalilipas. Ang tinatawag na Delta variant ay nakamamatay at nagresulta sa maraming kinitil na buhay. Sigurado ako na may kamag-anak o kakilala na malapit sa atin na namatay dulot ng COVID-19 na Delta variant. Mabuti na lamang at hindi na ganoon katindi ang kumakalat na COVID-19 sa atin.

Dagdag pa ni Dr. David, pumapalo na sa 250 hanggang 350 na bagong kaso ng COVID-19 kahapon.

Kailangan yata ay mag-ingat na tayo nang husto.

Sa mga malls at pasyalan, marami sa atin ay hindi na nagsusuot ng face mask. Bagama’t wala pang malinaw na kautusan ang DoH na magsuot ng face mask sa mga pampublikong lugar, malakas na hinihikayat ko na magsuot tayo ng face mask bilang proteksiyon na mahawaan pa tayo.

Ito ang maaaring mahalagang tulong din natin upang hindi tumaas ang kaso ng COVID-19. Huwag na tayong makipagsapalaran. Kung maaaring makaiwas sa mataong lugar, gawin natin. Kung nais manood ng sine nitong nalalapit na mahabang bakasyon, magsuot ng face mask.

Umiwas sa mga taong naobserbahan natin na parang may sipon o ubo. Kung masama ang pakiramdam natin, mag self-isolate tayo upang hindi tayo makahawa.

Ito ang nakikita kong sandata upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ngayon ng COVID-19. Sabi ko nga, tila kumakatok muli sa ating kapaligiran ang nasabing sakit. Huwag natin itong papasukin sa ating katawan.