NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa Land Transportation Office (LTO) na alisan na ng anumang pribilehiyo upang makapagmaneho ang drayber na nangaladkad sa isang Manila Traffic Parking Bureau enforcer sa Sta.Cruz, Maynila.
Ginawa ni Moreno ang panawagan sa LTO matapos nitong personal na puntahan ang suspek sa kulungan sa MPD-Police Station 3.
Ayon kay Moreno, makikita sa CCTV na ang mahigpit na paghawak ng enforcer na si Adrian Lim sa Mitsubishi Xpander na minamaneho ng drayber at suspek na si Orlando Ricardo, Jr. ng Quezon City ay hindi na para ito ay hulihin kundi para mailigtas ang kanyang sarili.
Nakatikim din ng sermon ang suspek sa alkalde dahil sa tangka nitong ilagay sa panganib ang buhay ng enforcer dahil lamang sa maliit na penalty sa kanyang paglabag sa batas trapiko.
Ayon kay Lim, “disregarding lane” lamang ang nilabag ni Ricardo, ngunit imbes na sumunod at nagawang takbuhan ang enforcer dahilan upang mapakapit naman ang biktima sa upuan ng driver seat hanggang mahulog sa bahagi ng Gelinos Street malapit sa Laong-Laan Road.
Nanawagan din ang alkalde sa iba pang mga drayber na huwag tularan ang suspek at kung may pagkakamali naman aniya ang hanay ng MTPB ay kanila ring kakastiguhin.
Aminado rin ang alkalde na hindi perpekto ang MTPB enforcement unit at may iilan pa rin na maaring naliligaw ng landas ngunit maliwanag ang nasabing enforcer ay sukdulan na hindi na niya naisip ang kaligtasan at buhay niya mapatupad lamang ang alituntunin sa lungsod ng Maynila sa isang katulad ng suspek na lumalabag sa batas.
“Lagi ko lang ipinapaalala sa kanila na bigyan ng dangal ang ID nila na ito ay bilang tanda na bahagi sila ng pamahalaan dahil ang pagbibigay ng dangal dito ay pagbibigay din ng dangal sa pamilya nila,” pahayag pa ng alkalde habang hawak ang ID ng enforcer na kasama ring bumisita sa suspek sa kulongan.
Nakatakdang isalang sa inquest proceeding ang suspek habang may sorpresa naman ang alkalde para sa enforcer na si Lim. PAUL ROLDAN
Comments are closed.