BATANGAS- TULUYAN nang kumalat sa tatlong bayan sa lalawigang ito ang nakahahawang hand, foot and mouth disease (HFMD) makaraang makapagtala ng 90 kaso ng mapanganib sakit ang Batangas City samantalang 30 naman sa bayan ng Cuenca.
Ayon sa pahayag ni Dr. Voltaire Guadalupe ng Regional 4A DOH, ang mga nasabing bilang sa lungsod ng Batangas ay naitala mula sa 18 barangay kung saan mabilis umano ang naging hawahan sa mga batang mag-aaral mula kinder hanggang Grade 3.
Ayon pa sa opisyal, naka-isolate na sa kani-kanilang bahay ang mga bata at ipinagpapatuloy ang mahigpit na monitoring ng mga local health unit sa mga tinamaan ng sakit.
Samantala, nagtala naman ng 30 kaso ng FHM ang bayan ng Cuenca kung saan pawang mga nasa mababang antas ng paaralan ang nagkasakit.
Base sa report ng municipal health office, madaling nakahawa ang viral disease dahil sa mababang sistema ng personal hygiene ng mga bata, cough etiquette at hindi pagkakaroon ng agarang disinfection sa mga apektadong paaralan.
Mabilis naman umaksiyon ang LGU ng bayan ng Cuenca at kinansela ang klase mula elementarya at sekondarya sa loob ng tatlong araw.
Ipinag- utos na rin ng lokal na pamahalaan ang close monitoring at magkaroon ng personal na awareness program sa mga magulang ng mga mag- aaral.
Sa obserbasyon ng tanggapan ni Guadalupe, maaari umanong magdeklara ng outbreak ang Regional office ng DOH sa CALABARZON sakaling lumala pa ang bilang ng nagkasakit sa buong lalawigan ng Batangas.
Ipinayo pa ng opisyal na palaging maghugas ng kamay ang mga bata bago at matapos humawak sa mga gamit sa paaralan at sa iba pang kagamitan sa loob ng bahay na pinakamadaling kapitan ng virus.
Matatandaan na unang kumalat ang FHMD sa San Pascual, Batangas kung saan nakapagtala ang local health unit dito ng 109 na kaso na pawang mga bata edad lima hanggang siyam ang nagkasakit.
ARMAN CAMBE