QUEZON- ARESTADO at sugatan ang isang holdaper ng convenience store matapos makipagbarilan sa mga pulis ng Lucena PNP kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Lt.Col. Reynaldo Reyes, hepe ng pulisya ang suspek na si John Crhistian Nieva Bariata, 25-anyos at residente ng Brgy 1, Mulanay, Quezon.
Base sa report ng Lucena PNP hinoldap ng suspek ang convenience store na nakabase sa Enverga Boulevard, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City na gamit ang maigsing baril at natangay ang perang nagkakahalaga ng nasa P31,175 saka mabilis na tumakas.
Kaagad namang nakahingi ng tulong at responde ang isang crew ng convenience store sa pamamagitan ng pagpindot ng isang button na nakakabit sa kanilang tindahan na nakakonekta naman sa istasyon ng Lucena PNP.
Mabilis na nakapagresponde sa insidente sina SSg Romeo Lustado at Pat Kent Gabriel Mendoza na nagkaroon ng habulan at nang maabutan ng mga pulis ang suspek ay pumalag ito kung kaya napilitang gumanti ng putok ang dalawang pulis na tinamaan sa kanang binti si Bariata na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Narekober sa suspek ang isang motorcycle Yamaha Aerox na may plakang 7102-OT, glock pistol na may magazine, mga bala at perang natangay.
Nakatakdang sampahan ng mga kasong Robbery, Direct Assault at Violation of RA 10591 (illegal possesion of firearms and ammunition) ang naturang holdaper.
BONG RIVERA