(Kumasa sa mga pulis) RIDING IN TANDEM TODAS SA OPLAN SITA

RIZAL- MASUSING iniimbestigahan ngayon na ng awtoridad ang pangalan ng dalawang suspek (riding in tandem) na napatay sa engkuwentro ng tumakas sa “Oplan Sita” sa Angono sa lalawigang ito.

Ayon kay Angono PNP Chief of Police Lt. Col. Ferdinand Ancheta, dakong ala-1 ng madaling araw kahapon, tumakas sa checkpoint ang mga suspek habang sakay ng motorsiklo sa Brgy., Mahabang Parang sa Angono.

Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga awtoridad at mga suspek hanggang sa makarating sa bahagi ng Quarry Road sa Binangonan Rizal.

Dito, sumemplang ang sinasakyang motorsiklo ng mga suspek na agad naman pinaputukan ang mga pulis kung saan ay tinamaan ang isa na nakasuot ng bulletproof vest.

Bukod dito, binaril din ng mga suspek ang mobile car na tinamaan sa kanang bahagi.

Dahil dito, napilitan na ang mga awtoridad kumilos at nagkaroon ng engkuwentro na ikinasawi ng mga suspek.

Nauna rito, nagkaroon umano ng nakawan ng motorsiklo sa isang Subdivision kaya’t naglatag ng checkpoint at pinairal ang “Oplan Sita” ngunit sa halip na huminto ay pinaharurot at mabilis na tumakas

ang mga suspek nang parahin ng mga awtoridad dahil sa walang plaka ang gamit nilang motorsiklo.

Inaalam na rin ni Ancheta, ang pagkakilanlan ng mga suspek at kung anong grupo ang kinaaniban nito habang hawak na ng pulisya ang hindi binanggit na kalibre ng baril na nakuha sa dalawang namatay.
ELMA MORALES