KUMASANG PUSHER NAPOSASAN, 2 PEDESTRIAN SAPOL NG BALA

bala

PASAY CITY –ARES­TADO ang isang tulak ng droga samantalang sugatan naman ang dalawang katao matapos tamaan ng ligaw na bala sa isinagawang buy bust operation ng mga pulis kama­kalawa ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Bernard Yang ang naarestong suspek na si Reymond Adonis, 34, residente ng Block 9 Lot 10 Sta. Rosa St., Maricaban, Pasay City.

Agad namang isinugod sa Pasay City General Hospital upang malapatan ng lunas ang mga biktimang sina alyas Dhanie, estudyante, ng Saint Francis St., Barangay 179, Maricaban, Pasay City; at Madita Visca, 36, vendor, nakatira sa Block 4 Lot 18, Sta. Fe St., Maricaban, Pasay City.

Base sa report ni Yang na isinumite sa Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi sa Sta. Rosa St., Maricaban, Pasay City.

Ayon kay Yang, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa ilegal na aktibidad ni Adonis kung saan nagsagawa ng surveillance operation ang mga operatiba laban sa suspek.

Nang magpositibo ang kanilang isinagawang surveillance operation ay agad na nagkasa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team (SDET) kung saan nagpanggap na buyer ang isa nilang tauhan na si Patrolman Byron Baldedara.

Sa pagkikita nina Baldedara at Adonis ay nakatunog ang suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon kung kaya’t agad na tumakbo ito habang pinaputukan niya ng kanyang .9mm na baril ang humahabol sa kanyang mga operatiba.

Sa pagpapaputok ng baril ni Adonis ay aksidenteng tinamaan ang dalawa na nati­yempong dumaraan sa lugar ng mga oras na iyon.

Patuloy ang pagtugis ng mga tauhan ng SDET hanggang sa nadakip ng mga ito si Adonis makaraang madapa habang tumatakbo.

Narekober sa possesyon ng suspek ang isang kalibre .9mm pistol na may lamang apat na bala, isang basyo ng bala, apat na plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahala ng P25,000 at isang piraso ng heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng marijuana na nagkakahalaga naman ng P500.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa pagbebenta ng ilegal na droga, RA 10591 (comprehensive firearms and ammunition) at direct assault with attempted homicide si Adonis na kasaluku­yang nakapiit sa detention facility ng Pasay City police. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.