(Kumikita ng P700 kada araw) ANTENNA, REMOTE  AT IBA’T IBANG ABUBOT ANG ALOK NI KUYA ARIEL

HALOS dalawang dekada ng nagtitinda ng antenna at remote control itong si Kuya Ariel Buenaventura, tubong Caloocan at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Sta. Rosa 2, Noveleta, Cavite.

May asawa, apat na anak at apat na apo na si Kuya Ariel na 12 taon ng naninirahan sa Cavite na kung saan sa Caloocan pa lang ay ito na ang kanyang ikinabubuhay.

Antenna, remote control, flashlight, extension, at bombilya ang kanyang kasama araw-araw. Mga panindang kanyang inilalako kasama ng kanyang lumang bisikleta na punong-puno ng mga abubot.

Halos ikutin niya ang buong bayan ng Nove­leta at Rosario kung saan ay kumikita siya ng P700 bawat araw.

Sa kanyang paglalako, higit na nakakatawag pansin ang kanyang isinisigaw na sa unang tingin at pan­dinig, animo’y minumura ka ng taong ito.

Dahil ang salitang “antenna remote” ay nagiging “ATENAMO” kapag pinaikli na lamang.

Kaya sa tuwing napapadaan siya sa bawat kumpulan ng mga tao ay pabiro rin siyang sinisigawan ng mga ito ng “ATENAMO­RIN….”

Masayahing tao si Kuya Ariel kaya naman naaaliw sa kanya ang ma­rami.

Isa itong huwarang ama, asawa at mapagmahal na lolo.

“Maging tapat sa mga customer at maging mahinahon sa pakikipag-usap”, yan ang mensahe ni Kuya Ariel sa mga kapwa niya vendor.

Si Kuya Ariel ay patuloy na iikot gamit ang bisikleta at hindi mahihiyang sumigaw ng sumigaw gamit ang salitang “ATENAMO” na tumatak na sa kanyang pagkatao.

Mamumuhay ng marangal at may takot sa Diyos kasama ng kanyang buong pamilya si Kuya Ariel. SID SAMANIEGO