HINDI maitatanggi na sa kasalukuyang panahon, ang pagbabago ng klima ay hindi na lamang isang isyung pangkapaligiran.
Aba, ito’y isang banta sa ating kabuhayan, kalusugan, at kinabukasan. Ang mga bagyong mas malalakas, matinding init, pagbaha, at tagtuyot ay ilan lamang sa mga palatandaan ng krisis na dulot ng global warming. Ang tugon hamon ng klima ay hindi na maaaring ipagpaliban – kinakailangan na ang sama-samang pagkilos ng bawat Pilipino.
Sa ating bansa, ramdam na ramdam ang epekto ng climate change. Ang mga komunidad na malapit sa baybayin ang pangunahing apektado ng tumataas na lebel ng dagat. Ang mga magsasaka at mangingisda, na umaasa sa maayos na klima para sa kanilang hanapbuhay, ay nahihirapang makaangkop sa pabago-bagong panahon.
Ang urbanisasyon at kawalan ng maayos na plano sa paggamit ng lupa ay tila lalo pang nagpapalala sa epekto ng mga sakuna tulad ng pagbaha. Ngunit sa kabila ng mga hamong ito, may pag-asa pa. Ang bawat isa ay may mahalagang papel na ginagampanan.
Kailangang palakasin ang edukasyon hinggil sa climate change upang maunawaan ng lahat ang halaga ng maliliit na hakbang, tulad ng tamang pagtatapon ng basura, pagtitipid ng kuryente, at paggamit ng alternatibong enerhiya. Mahalaga rin ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kaligtasan ng mga komunidad.
Sa gitna nga ng mga nagbabadyang epekto ng climate change, muli namang ipinaalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Pilipino upang harapin ang hamong ito at maipundar ang isang mas ligtas, mas luntian, at mas matatag na Pilipinas. Ang kanyang panawagan ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkilos ng bawat sektor ng lipunan sa pagbuo ng isang bansang handang umangkop sa mga pagbabago ng panahon.
Bilang chairperson ng Climate Change Commission (CCC), binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangang itaguyod ang isang sama-samang pananaw para sa isang matatag at maunlad na kinabukasan.
Sa kanyang talumpati sa Global Warming and Climate Change Consciousness Week, ibinida niya ang larawan ng isang “Bagong Pilipinas” na pinapahalagahan ang kayamanan ng kalikasan, hindi natitinag ng anumang sakuna, at may mamamayang marunong magmalasakit at kumilos para protektahan ang likas na yaman ng bansa.
Hindi lamang ito tungkol sa malalaking proyekto ng gobyerno kundi pati sa maliliit na aksyon ng bawat Pilipino. Ang laban kontra climate change ay hindi maaaring i-atang lamang sa iisang sektor. Kinakailangan ang partisipasyon ng lahat—mula sa mga opisina ng pamahalaan, paaralan, civil society, at negosyo, hanggang sa lokal na pamahalaan at mga simpleng mamamayan.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng National Adaptation Plan (NAP) na naglalayong gawing mas kongkreto at lokal ang mga hakbang laban sa epekto ng climate change.
Kasabay nito, pinuri niya ang CCC sa kanilang masigasig na pagsisikap na gawing matatag ang mga komunidad at maisulong ang mga polisiya para sa climate resilience.
May temang “Aksyon at Adaptasyon ng Makabagong Henerasyon,” ang taunang paggunita sa Global Warming and Climate Change Consciousness Week, ay nagpapaalala sa atin ng ating responsibilidad hindi lamang para sa kasalukuyan kundi pati na rin para sa mga susunod na salinlahi. Ito ay panahon upang pagnilayan kung paano natin magagamit ang yaman ng kalikasan nang may respeto at pasasalamat, kasabay ng pagpaplano at pagkilos para sa mas ligtas na mundo.
Sa totoo lang, hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagtugon sa hamon ng klima. Sa halip, dapat itong maging inspirasyon upang ipaglaban ang kalikasan. Malinaw na ang ating likas na yaman ay nagbibigay-buhay sa ating ekonomiya, at ang kanilang pagkasira ay direktang nakakaapekto sa ating kabuhayan.
Malinaw na ang hamon ng klima ay isang laban na hindi maaring talikuran. Kaya naman, mahalaga ang aksyon ng bawat isa, maliit man o malaki.