MAY temang “Library of the Future: History, Concepts, and Trends”, idinaos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang tatlong araw na seminar na tinawag na Ika-4 na Panlalawigang Kumperensiya ng mga Pampublikong Katiwala ng Silid-aklatan mula Mayo 16 hanggang 18, 2018 sa Francisco Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod ng Malolos.
Layon nitong makalikha ng mga bagong estratehiya upang mahikayat ang publiko na ipagpatuloy ang pagbabasa at pananaliksik sa mga silid-aklatan sa kabila ng paglaganap ng modernong teknolohiya.
Sa kanyang mensahe na inihatid ni Edalyn Carvajal, Executive Assistant III mula sa Tanggapan ng Punong Lalawigan, binigyang-diin ni Alvarado na walang hihigit na sandata sa pagkakaroon ng matalas na kaisipan.
Pinangalawahan naman ito ni Bokal Ma. Lourdes Posadas, tagapangulo ng Committee on Tourism, Culture and the Arts, at sinabing tungkulin ng mga pampublikong katiwala ng aklatan na gawing kaaya-aya ang mga aklatan sa panahon na ang lahat ay maaari nang makita sa internet.
Ipinaliwanag naman ni Direktor Cesar Gilbert Adriano ng National Library of the Philippines, panauhing tagapagsalita, ang mandato ng kanilang ahensiya na maging tagapag-ingat, tagapagpanatili at masigurong bukas ang mga materyal sa publiko lalo pa’t itinuturing itong lagakan ng mga materyal ukol sa Filipiniana.
Inanunsiyo rin ni Prudenciana Cruz, pinuno ng National Commission for Culture and the Arts-National Committee on Libraries and Information Services, ang ilang proyektong maaaring magbigay benepisyo sa mga pampublikong aklatan gaya ng pagtatayo ng mga Provincial, Municipality at City Public Libraries at Barangay Reading Centers, gayundin ang pagkakaloob ng pinansiyal na tulong na nagkakahalaga ng P250,000, P150, 000 or P100, 000 para sa mga suhestiyong proyekto para sa mga pampublikong silid-aklatan.
Aniya, maaaring bumisita ang mga interesado dito sa ncca.gov.ph para sa karagdagang impormasyon.
Sinabi naman ni Dr. Eliseo Dela Cruz na umaasa siya sa magandang hinaharap ng mga silid-aklatan at hindi ito tuluyang mawawala dahil sa Google at Yahoo.
Ginanap din sa kumperensiya ang seremonyal na pagsasalin ng alokasyon ng mga libro mula sa National Library of the Philippines gayundin ang pagbubukas ng eksibit hinggil kina Mariano Ponce at Gabriel Bernardo na tinawag na “History, Legacy, Library”, at ang paglulunsad ng librong “Mga Naging Hintuan ni Mariano Ponce sa Paglalakbay” na isinulat ni Resil Mojares at inilathala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Tinalakay rin sa nasabing seminar ang buhay ni Ponce na siyang Ama ng Pambansang Aklatan at Bernardo na kilala bilang Father of Librarianship, gayundin ang kontribusyon ng mga aklatan sa Philippine Development Plan at sistema ng mga ito at marami pang iba. A. BORLONGAN
Comments are closed.