NAGPASYA ang Diocese of Antipolo na kanselado muna ang ‘Kumpisalang Bayan’ sa kanilang lugar ngayong paparating na Semana Santa.
Ayon sa Office of the Chancellor ng Diyosesis ng Antipolo, ito’y bilang bahagi ng precautionary measure o pag-iingat at pag-iwas sa posibleng pagkalat ng 2019 Coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid na napaabisuhan na ang mga pari at miyembro ng bawat parokya maging ang mga deboto, sa pamamagitan ng circular letter na inalabas para sa kanselasyon ng Kumpisalang Bayan ngayong Kuwaresma.
Ang resumption o panibagong petsa naman para sa naturang aktibidad ay depende umano sa magiging resulta ng assessment at development hinggil sa COVID-19.
Paglilinaw naman ng diyosesis, dapat na ipagpatuloy ng mga parokya na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa ang kani-kanilang regular na scheduled confessions o kumpisalan para sa mga mananampalataya.
Nauna nang naglabas ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng guidelines para sa paggunita ng mga Katoliko ng Semana Santa, upang malabanan ang COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.