NASA delikadong sitwasyon, ang Bay Area Dragons ay umaasang magkakaroon ng full-strength lineup para sa Game 6 ng PBA Commissioner’s Cup finals kontra Barangay Ginebra.
Positibo si coach Brian Goorjian na balik-laro na sina import Andrew Nicholson at starting guard Glen Yang sa Miyerkoles, Enero 11, sa pagsisikap ng Dragons na mapigilan ang Kings na tapusin na ang serye.
Sina Nicholson at Yang ay kapwa hindi naglaro sa Game 5 noong Linggo, na pinagwagian ng Kings, 101-91, upang kunin ang krusyal na 3-2 lead sa best-of-seven series.
Ang dalawa ay kapwa nagtamo ng ankle sprain, kung saan ang 6-foot-10 import ay lumiban din sa Game 4 na napagwagian ng Dragons, 94-86.
“There’s a chance. We’re working very hard. And the fact that we played three games in the last five days, we’ve got a three-day period now, and we’re hoping we’re going to get those two guys,” sabi ni Bay Area coach.
Percentage-wise, binigyan ni Goorjian si Yang ng mas malaking tsansa na maglaro, at kinokonsidera ang kaso ni Nicholson na 50-50.
“I’ll put 75-25 on Glen,” ani Goorjian.
Para kay Nicholson, sinabi ng Bay Area coach na, ‘I’d say 50-50. We lose, we are out. It’s to that point. So if there’s any chance, we will roll the dice. I’m putting 50-50 there.”
Ang pagliban ni Nicholson sa ikalawang sunod na laro ay malaking dagok para sa Dragons, subalit naniniwala si Goorjian na ang pagkawala ni Yang ang missing link sa Game 5 loss kung saan binura ng Dragons ang 18-point deficit upang magbanta sa Ginebra sa huling sandali.
“He (Yang) wasn’t there tonight. And I miss him,” sabi ni Goorjian patungkol kay Yang, na naglaro ng buong 48 minuto ng Game 4 sa kabila na nasaktan ang kanyang ankle sa huling pitong minuto.
“For our team, and the way we are put together, Glen is invaluable. That piece tonight, when the pressure was on, on the offensive end, trying to get a good shot, and get through our stuff, missing him was noticeable from a coaching standpoint.”
Nasaktan din ang ankle ni forward Hayden Blankley, nanguna sa koponan na may 29points, kabilang ang 5-of-11 mula sa three-point range, sa endgame at kinailangang tulungan ng kanyang dalawang teammates patungo sa dugout.
Subalit sinabi ni Goorjian na ang Australian-born na si Blankley ay makapaglalaro sa susunod na laro. “Hayden is fine,” dagdag ngBay Area coach.
CLYDE MARIANO