KATATAPOS lamang ng paggunita nating mga Pilipino ng Semana Santa. Nagkaroon din tayo ng mahabang bakasyon upang makapagpahinga sa ating mga trabaho at magnilay-nilay upang mapalapit sa ating Panginoon at muling maalaala ang kanyang ginawang sakripisyo upang tayo ay masalba sa ating mga kasalanan.
Subalit ngayong araw ng Martes ay simula na muli tayo sa ating mga pang araw-araw na regular na gawain at sa pagsulong at pagsisikap sa ating hanapbuhay.
Pero teka, may dalawang mahahalagang bagay na dapat natin gawin sa buwan ng Abril. Ito ay ang pagpa-file ng ating income tax return sa Bureau of Internal Revenue (BIR) bago sumapit ang ika-17 ng Abril at ang pagrehistro ng ating mga SIM cards. Ito ay isang bagong kautusan ng Department of Information and Communications (DICT) bago matapos ang buwan ng Abril.
Pinapaalala ko ito dahil taon-taon, karamihan sa ating mga kababayan ay ginagawa lamang ang pag-file ng kanilang income tax return kung kailan malapit na ang deadline o takdang panahon sa pagsusumite nito.
Maaaring ganito rin ang kalagayan ng mga hindi pa nakakapag-register ng kanilang SIM cards sa mga kinauukulang service providers nila.
Ayon kasi sa DICT, nasa 36.79 persyento pa lang o 62,170,268 ng mga SIM cards na naitalang nabenta ang narehistro noong ika-7 ng Abril. Tandaan, tatlong linggo na lamang ang naiiwan sa buwan ng Abril para sa deadline ng DICT. Baka hindi ninyo alam, kapag nabigo kayo na iparehistro ang inyong SIM card sa katapusan ng Abril, ang mga kasalukuyang numero na ginagamit n’yo sa iyong cellphone ay puputulin na ang serbisyo.
Ngayon kung akala naman ninyo na maaaring bumili na lang kayo ng panibagong SIM card, hindi na po ito ganito kadali. Kailangan na irehistro na ang mga bagong numero na ‘yan ayon sa regulasyon ng DICT. Mas mahigpit ang pagbili ng panibagong numero pagsapit ng buwan ng Mayo. Hindi na ito tulad ng dati na parang bumibili ka lang ng kendi sa sari-sari store.
Nairehistro ko na ang ang mga cellphone numbers ko noong unang linggo ng buwan ng Marso. Minabuti ko talaga nag maghintay ng kaunti upang hindi makipagsabayan sa mga nais mauna nakarehistro noong buwan ng Pebrero.
Napakadali po. Kung medyo hindi kayo sanay sa tinatawag na ‘online registration’, nakasisiguro ako na maaari kayong humingi ng tulong sa mga kamag anak ninyo na mahilig sa social media.
“With only 17 days left before the deadline, it is crucial to take immediate action to prevent the inconvenience of deactivation,” ito ang mariin na palaaala ni DICT Secretary Ivan John Uy.
Ayon nsa DICT, sa mahigit na 62 million registered na SIM cards, may 4.7 million ay gumagamit ng bagong telecommunication player na DITO; 26.3 million ay mula naman sa Globe; at 31.1 million ay gumagamit ng SMART.
O, pano ba yan? I-rehistro na ninyo ang mga SIM card ninyo. Wala pang sampung minuto ang gugulin ninyo upang makapagrehistro ng inyong SIM card.