(Pagpapatuloy)
Ayon sa mga resulta ng pag-aaral na inilahad ng mga eksperto sa isang kumperensiyang naganap kamakailan tungkol sa pagkaka-edad (aging) at integrative medicine sa Pan Pacific Manila, ang pag-inom ng mga bitamina ay mahalaga para mapanatili ang kalusugan ng ating katawan at isipan.
Mas mainam ang pag-iwas sa sakit, kaya’t kung ikaw ay malusog pa at walang karamdaman, mas mabuting alagaan mo na ang iyong katawan upang hindi ito manghina.
Rekomendado ng mga eksperto sa naturang kumperensiya ang pagkain ng natural, sariwa at hindi ipinrosesong mga pagkain; pag-iwas sa mga pagkaing hindi natural at ipinroseso, kabilang ang sobrang pagkain ng karne at pag-inom ng alcoholic na mga inumin; pagbibilad sa araw at ehersisyo; pag-inom ng malinis na tubig mula sa bukal; paghinga ng presko at malinis na hangin; at pag-inom ng mga bitamina at mineral.
Ang mga lektyur na ipinakita sa pagtitipon ay suportado ng mga ebidensiya mula sa siyentipikong pag-aaral na inilimbag ng mga kilalang medical journals. Para sa mga nais na tiyakin ang pagiging totoo ng mga datos, maaaring bumisita sa PubMed online o sa website ni Prof. Saul sa www.doctoryourself.com upang mabasa ang mga ebidensiya at pag-aaral na nailathala sa mga publikasyong pangmedikal.
May mga taong nagsasabing aksaya lamang daw ng pera ang pag-inom ng mga bitamina araw-araw. Ngunit ayon sa mga pag-aaral, napatunayan na epektibo ang mga ito sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng sakit at kondisyon.
Kailangan lamang nating tandaan na ang pag-inom ng mga bitaminang ito ay bahagi lamang ng buong planong pangkalusugan.
Maaaring may ipinayong diyeta ang mga doktor sa kanilang mga pasyente, halimbawa, kasabay ng pag-inom ng mga bitamina.
Sa susunod na kolum ay ibabahagi ko naman ang mga natatanging sakit at kondisyon na maaaring matugunan ng pag-inom ng iba’t ibang uri ng bitamina at mineral, kaalinsabay ng mga pag-aaral na nagawa ng mga eksperto sa larangang ito. Tandaan lamang sana nating inumin ang ating mga bitamina araw-araw. (Itutuloy)
Comments are closed.