KUNG HINDI MASAYA ANG IYONG PASKO

PARA sa marami, masaya ang Pasko. Ngunit may mga kababayan tayong hindi makapagdiwang ngayong taon sapagkat may mabigat na suliranin, nawalan ng mahal sa buhay, may pinagdadaanan, o ano pa mang ibang dahilan.

Ang ilan ay kapos, malayo sa pamilya, abala sa trabaho, at iba pa. Marami ang dahilan ng kalungkutan at stress ngayong Kapaskuhan, kaya para sa mga taong nasa ganitong sitwasyon, may payo ang mga eksperto.

Una, makatutulong umano ang pagkakaroon ng break kung masyado ka nang nai-stress. Hindi naman kailangang sangkot ka sa lahat ng gawain. Puwedeng lumayo para makapag-relax o makahinga. Maaaring gamitin ang panahong ito sa panalangin o sa anumang aktibidad na makapagpapakalma sa iyo. Puwede ring matulog, magbasa, maglakad, makinig ng musika, at iba pa.

Mainam din ang pagtuon ng pansin sa kapwa at pagbibigay ng panahon sa pagtulong. Mula sa mga simpleng bagay kagaya ng pagtulong sa gawain, pagdo-donate ng aginaldo sa ilang kababayan, hanggang sa pagbibigay ng panahon para sa komunidad o mga taong nangangailangan ng tulong ngayong Pasko. Pansamantala ay maaaring malimutan ang sariling problema at maganda rin ang pakiramdam ng nakatutulong ka sa iba.

Bilang panghuli, magpasalamat tayo sa mga biyayang ating natatanggap araw-araw. Ika nga, let us count our blessings. May mga pinagdadaanan man tayo, sigurado namang marami pa ring biyaya na dumarating sa ating buhay. Ito ang pagtuunan natin ng pansin ngayon at ating bilangin ang mga mabubuti o positibong bagay sa ating buhay. Dito magsisimula ang pasasalamat na siyang tutulong upang ang ating mga sugat ay unti-unting maghilom.