TINIYAK ni Taytay Mayor Joric Gacula na hindi nila itutuloy ang pagdiriwang ng taunang Hamaka Festival sa kanilang bayan sakaling may malaking banta ng 2019-nCoV.
Sa isang press conference kahapon ay sinabi ni Gacula na mas mahalaga ang buhay ng mga Taytayeños kaysa magbakasakali bagama’t sinabi niya na maraming bayan din sa bansa ang may kahalintulad na selebrasyon ngunit itinuloy naman nila, maliban lamang sa Panagbenga Festival ng Baguio City.
Sinabi pa ni Gacula na kinansela na niya ang mga school-related activities upang maingatan ang mga estudyante lalo na’t dadagsa ang mga bisita sa nasabing kapiyestahan.
“Pagka may mga ganyang activity na ‘yung mga tao magsasama-sama magiging crowded ‘yun situation, so ‘yung mga activities involving schools ay atin nang ipinansantabi muna,” dagdag pa ng alkalde.
“At kung dumating ‘yung panahon na masasabi natin na nawala na ‘yung ating fears o agam-agam about coronavirus madali nang i-schedule ‘yan, at ‘yung pamahalaang bayan natin ay hindi naman tumitigil para proteksiyunan ang ating mga constituents,” pagtitiyak ni Gacula.
Nasa ika- 45 taon na ngayon, ang Hamaka Festival ay isang linggong selebrasyon ng pasasalamat na magtatampok sa mga sikat na produkto ng Taytay tulad ng wood works, pananahi at disenyong kasuotan. ELMA MORALES