(Kung muling ipagpapaliban) CHARTER CHANGE REFERENDUM ISASABAY SA 2023 BRGY POLLS

KUNG sa susunod na taon na gagawin ang eleksiyon ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, maaaring isabay rito ang referendum kung saan tatanungin ang taumbayan kung payag sila na magkaroon ng pagbabago sa ating Saligang Batas.

Ayon kay Senador Robin Padilla, bagaman tutol siya sa una na ipagpaliban ang eleksiyon, may napakagandang oportunidad na lumabas dahil marami na ang humihingi ng amendment at rebisyon sa Konstitusyon.

“Gusto kong ipaalam sa ating lupon na ako ay magpapasa ng panukala na kung tayo po ay puwedeng sumabay sa eleksiyon na ito para tanungin ang taumbayan para sa isang referendum,” ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, sa sesyon ng Senado nitong Miyerkoles.

Dagdag nito, sinabi ni Senate minority leader Aquilino “Koko” Pimentel III na maaari itong gawin.
Niratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee report sa pagpapaliban ng barangay at SK election sa Oktubre 2023.

“Kaya kinukuha ko na po ang pagkakataon na ito para sabihin sa ating lupon na mas maganda siguro isabay na natin diyan sa eleksiyon na yan ang paghingi natin ng mungkahi ng mga taumbayan at gumawa na po tayo ng referendum at tanungin na natin sila, isabay natin diyan kung kailangan na po ba talaga tingnan po natin kung kailangan nang baguhin ang Saligang Batas, tanungin natin ang taumbayan,” aniya. VICKY CERVALES