(Kung nagkaroon ng failure of intelligence) POLICE COMMANDERS MANANAGOT

BINALAAN ni Philippine National Police (PNP) Director for Ope­rations Police Major General Valeriano de Leon ang mga police commander na mananagot kapag hindi makagawa ng aksiyon para mapigilan ang pambobomba sa kani-kanilang area of responsibility.

Ang babala ay ginawa ni De Leon kasunod ng apat na pagsabog na naganap sa Mindanao kamakailan.

Ayon kay de Leon, pinaimbestIgahan na ni PNP Officer in Charge Police Lieutenant Ge­neral Vicente Danao Jr. Sa Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 9 kung nagkaroon ng “failure of intelligence” sa kambal na pagsabog sa Isabela City, Basilan na nangyari ilang araw lang kasunod ng pambobomba sa Koronadal City, South Cotabato at Tacurong City, Sultan Kudarat.

Matatandaang kasunod ng unang dalawang pagsabog, nagpalabas ng memorandum si de Leon sa lahat Regional Directors at Unit Commanders na paigtingin ang intelligence Monitoring at seguridad sa kani-kanilang area of responsibility upang hindi na maulit ang insidente.

Subalit tatlong araw lang ang nakalipas ay nangyari ang dalawang pagpapasabog ng improvised bombs sa parking lot ng isang fast food outlet at bus terminal sa Isa­bela City. EUNICE CELARIO